December 25, 2024

TRUCK DRIVER TODAS SA PAMAMARIL SA CALOOCAN

TODAS ang isang 32-anyos na truck driver matapos pagbabarilin ng hindi kilalang suspek habang nakaupo sa driver’s seat ng minamaneho niyang six-wheeler truck sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi 

Hindi binabalewala ng pulisya ang posibilidad na ang pagpatay kay Randy Lampayug, 32, stay-in truck driver ng Jamdi Trucking Services at residente ng Baseco, Port Area, Manila ay may kaugnayan sa ilegal na droga matapos sabihin ng kanyang mga ka-trabaho sa mga awtoridad na sangkot siya sa paggamit ng droga.

Sa kanyang report kay Caloocan police chief P/Col. Samuel Mina, sinabi ni case investigator P/Cpl. Niño Nazareno Paguirigan, nakaupo si Lampayug sa driver’s seat ng minamaneho niyang Dayun tractor head (AAN-1815) na nakaparada sa kahabaan ng C3 Road, Brgy. 28 dakong alas-8:30 ng gabi nang mapansin ng kanyang mga ka-trabaho na sina Rodrigo Rubio at Ramil Recala, kapwa stay-in truck drivers, ang isang hindi kilalang lalaki na nakasuot ng itim na jacket at denim pants na lumapit sa biktima saka tatlong beses itong binaril sa ulo at leeg na nagresulta ng kanyang kamatayan.

Ani Col. Mina, narekober ng Northern Police District (NPD) Forensic Unit team sa pangunguna ni P/Maj. Divina Funelas ang 14 pirasong heat-sealed transparent plastic sachets na may bahid ng hinihinalang shabu mula sa bulsa ng biktima habang ang ilang drug paraphernalia at isang sachet ng hinihinalang shabu ay natagpuan sa loob ng truck.

Tatlong pirasong basyo ng bala mula sa hindi pa matukoy na kalibre ng baril ang narekober din sa crime scene habang patuloy naman ang follow-up imbestigasyon ng pulisya para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa suspek.