November 24, 2024

TROLL FARMS DAPAT ISARA NG FB – SOTTO


HINIMOK ni Senate President Vicente Sotto III ang Facebook na isara ang mga troll farm hanggang sa matapos ang halalan sa 2022.

“Nakakabahala ‘yun (troll farms) sapagkat pinadudumi nila ang politika sa Pilipinas. ‘Di bale sana kung totoo yung sasabihin ng mga yun e siguradong hindi e,” ani ni Sotto sa isang online interview sa mga reporter.

“Kung walang ginawa kung hindi manira, aba’y siguro shut it down until after the elections. After the elections, maglaro sila kung gusto nila,” dagdag niya.

Ani ni Sotto, may kakayahan ang Facebook na magkontrol tulad ng “troll farms” sa pamamagitan ng monitoring capabilities sa social media platform.

Kaya nila yun e, kaya nila. Makikita naman nila e. I have talked to one of the officers of Facebook in the Philippines, sabi nga nila, kaya nilang gawin yun e,” naalala ni Sotto.

“Nung araw yung mga duwag tahimik lang pero ito ang lalakas ng loob kasi hindi sila nakikita, nasa likod ng computer,” dagdag niya.


Nauna nang sinabi ni Senator Panfilo Lacson na isang undersecretary ang umano’y ang nagsimulang mag-organisa ng hindi bababa sa dalawang troll farm sa bawat lalawigan para siraan ang kritiko ng administrasyon at posibleng kalaban sa 2022 elections.

Pinayuhan ni Sotto, na pinag-iisipang lumahok sa vice presidential race sa 2022, ang mga pinoy na maging mapagmatiyag at magbantay para sa mga maling impormasyon na kumakalat sa social media.

“Hopefully, ang mga kababayan natin will sift through the rubble so to speak. Sana alam nila kung alin yung paninira lamang at hindi,” saad niya.