January 23, 2025

TRILLANES RUMESBAK SA DUTERTE SUPPORTERS

NAGHAIN ng kasong libel at cyberlibel si dating senator Antonio Trillanes IV laban sa ilang supporters ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Kabilang sa kinasuhan ni Trillanes ay sina dating presidential spokesperson Harry Roque, broadcast network Sonshine Media Network International (SMNI) at vlogger na si Byron Cristobal o mas kilala sa pangalang Banat By.

Ang demanda ay nag-ugat sa tuloy-tuloy na online attacks at pagpapakalat ng maling akusasyon laban sa kanya.

Sa hiwalay na complaint affidavits, sinabi ni Trillanes na inakusahan siya ni Roque at Cristobal na “ibinenta” at “ipinamigay” ang Scarborough Shoal sa China sa backchannel talks noong 2012.

“Despite my repeated explanations on what transpired during my backchannel talks, including official statements from incumbent government officials during Senate hearings conducted that we did not lose Scarborough, these pro-Duterte personalities continue to harp on this fake news to deflect blame from the Duterte administration,” ayon kay Trillanes, na natalo sa pagka-Senador noong 2022 election at napapabalitang tatakbong alkalde sa Caloocan sa 2025 elections.

Nagsampa rin siya ng parehong kaso laban sa isang Guillermina Barrido at mga host at executives ng SMNI dahil sa pag-publish ng interview matapos umanong akusahan siya na nagbayad ng pera para tumestigo laban kay Duterte.

Naghain din siya ng hiwalay na criminal complaints sa National Bureau of Investigation (NBI) laban sa iba’t ibang social media account owners dahil sa umano’y pagpapakalat ng maling impormasyon at libelous statements patungkol sa kanya, ayon sa kampo ni Trillanes.