April 1, 2025

TRILLANES NAIS GAYAHIN SI VICO SOTTO (Para sa pagbabago ng Caloocan)

Walang ibang hangad si dating Senator Sonny Trillanes kundi ang pagbabago para sa Caloocan  City at ang nais nitong gayahin ay ang naging tagumpay ni Pasig City Mayor Vico Sotto matapos tuldukan ang ilang dekadang pamamayagpag ng mga Eusebio.

Sa ginanap na kickoff campaign rally para sa local executive race nitong Biyernes ng gabi, humarap si Trillanes at ang kanyang local slate sa maraming tao sa covered court sa South Caloocan.

Doon, nangako siya ng isang Bagong Kalookan,” isang campaign slogan na hawig sa tagline ng “Bagong Pilipinas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa kanyang campaign rally, binigyang-diin ni Trillanes ang naging progreso ng Pasig City sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Vico Sotto bilang ehemplo ng good governance.

Matatandaan na tinuldukan ni Vico Sotto ang 27-taon na pamamayagpag ng angkan ng mga Eusebio sa Pasig.

Inihayag ni Trillanes na sa ilang dekadang pamumuno nila, hindi naging maganda ang public service ng mga Eusebio at umaasa lamang ito sa vote buying tuwing may eleksyon.

Gayunpaman, noong 2019, kahit may ilang residente ang tumanggap ng pera mula sa vote buying, pero hindi nila ibinoto ang mga Eusebio, ayon kay Trillanes.

“Pinili nila ang pagbabago,” aniya.

Layon ni Trillanes na palitan ang kaalyado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na si incumbent Mayor Along Malapitan, na minana ang posisyon mula sa kanyang ama, na ngayon ay si Rep. Oscar Malapitan (Caloocan District 1).