
Isang babae ang nasawi habang walo pa ang sugatan—kabilang ang isang sanggol at batang babae—matapos bumangga ang sinasakyan nilang tricycle sa poste sa Brgy. Lantic, Carmona City, Cavite nitong Sabado ng hapon.
Kinilala ang nasawing driver ng tricycle na si Kristeta Laca, 49, residente ng Biñan City, Laguna. Sakay ng tricycle (plakang DO35859) si Laca kasama ang walong pasahero na sina:
- Rachelle Ann Loyola, 35
- Nadine Loyola, 9 buwang gulang
- Camille Abaño, 10
- Kyla Garlan, 21
- Jeffrey Loyola, 43
- Jane Mate, 44
- Margie Loyola, 61
- Jaime Garcia III, 21
Ayon sa ulat ng Carmona City Police, pauwi na sana mula sa outing ang grupo nang mawalan umano ng kontrol sa manibela si Laca sa kurbadang bahagi ng Davilan Road, papunta sa Sugar Road. Diretso silang bumangga sa poste, dahilan para magtamo ng malulubhang sugat ang mga sakay.
Agad na rumesponde ang Carmona CDRRMO at dinala ang mga biktima sa dalawang magkahiwalay na ospital. Habang nilalapatan ng lunas sa Carmona Medical Hospital, binawian ng buhay si Laca dahil sa grabeng pinsala sa katawan.
Lumabas din sa paunang imbestigasyon na nakainom umano ng alak si Laca bago ang aksidente, na posibleng dahilan ng kanyang pagkawala ng kontrol sa tricycle. (Ulat ni KOI HIPOLITO)
More Stories
2 PATAY SA SALPOKAN NG KOTSE AT BUS SA CALAUAG, QUEZON
KOREAN VOICE PHISHING SUSPECT, HULI SA PAMPANGA
“MALIIT NA LPG, MALAKING PELIGRO!” – REP. VALERINO