November 5, 2024

Tricycle driver patay, barangay tanod sugatan sa pamamaril sa Malabon

Nasawi ang isang 42-anyos na tricycle driver matapos pagbabarilin ng hindi kilalang gunman habang malubha namang nasugatan ang isang barangay tanod na nakasaksi sa insidente nang barilin din ng isa sa mga suspek sa Malabon city, Linggo ng gabi.


Ayon kay Malabon police chief P/Col. Joel Villanueva, dead on the spot si Ruben Samaco, Jr. ng 14-C Borromeo St. Brgy. Longos sanhi ng mga tama ng bala sa ulo at katawan habang ang barangay tanod na si Christopher Oliver, 34, isang ring fire volunteer at residente ng Blk. 3, Lot 13, 1st St. Brgy. Tañong ay isinugod sa Tondo Medical Center upang magamot ang tinamong tama ng bala sa kaliwang balikat at kaliwang paa.

Sa imbestigasyon nina PMSg. Julius Mabasa at PSSg. Mardelio Osting, naglalakad si Samaco sa kahabaan ng Interior Borromeo St. dakong 11:45 ng gabi nang pagbabarilin ito sa ulo at katawan ng hindi kilalang gunman.

Minamaneho naman ni Oliver ang kanyang tricycle papalapit sa naturang lugar subalit, nagpasya itong tumakbo para sa kanyang kaligtasan nang makasalubong nito ang ilang bystander na nagtatakbuhan patungong Adelia Street.

Habang patungo sa Adelia St., dinampot ni Oliver ang isang magazine ng Cal. 45 pistol subalit, sinigawan siya at binaril ng isa sa mga suspek na ayon kay PMSg Mabasa, tumama ang bala sa kaliwang balikat at tumagos sa kanyang likod.

Kahit sugatan, nagawang makapagtago ni Oliver sa loob ng bahay ng isang Dominador Baronda, bago humingi ng tulong sa pulisya at mga barangay opisyal.

Narekober ng rumespondeng mga tauhan ng SOCO sa crime scene ang 25 pirasong basyo ng bala ng cal. 45 pistol, 4 na basyo ng bala ng cal. 9mm pistol, 9 deformed fired bullets, 8 metallic jackets at isang fired bullet habang ang tatlo pang basyo ng bala, isang slug at magazine ng cal. 45 pistol ay tinurnover sa pulisya.

Sinabi ni Col. Villanueva, si Samaco ay nakulong sa Malabon City Jail noong 2016 dahil sa illegal na droga at nakalaya matapos makapagpiyansa. Narehab din ito ayon sa kanyang amang si Ruben Sr. 

Patuloy ang imbestigasyon sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek habang inaalam pa ang motibo sa insidente.