November 19, 2024

Tricycle driver malubha sa rambulan sa Caloocan

NASA kritikal na kondisyon ang isang tricycle driver matapos tamaan ng bala makaraan ang naganap na rambulan ng dalawang grupo sa Caloocan City.

Patuloy na inoobserbahan sa Manila Central University (MCU) Hospital sanhi ng tinamong tama ng bala sa likod at kanang braso ang biktimang si Jasper Querol, 30, ng 14 Katarungan St., Brgy. 148.

Naaresto naman nina P/Capt. Julius Villafuerte, Commander ng Bagong Barrio Police Sub-Station 5 si Lawrence Aplacador, 19, ng Brgy. 153 at ang na-rescue na 15-anyos na si alyas “Buda”.

Tinutugis pa ng pulisya ang iba pang mga suspek si Arnel Reyes ng Brgy. 153, na nakita sa CCTV na siyang namaril sa grupo ng kalaban, Raizon Dela Cruz, ng Brgy. 150, Jerome Castor ng Brgy, 153 at isa pang menor-de-edad na si alyas “Axel”.

Sa ulat ni Capt. Villafuerte kay Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, nag-iinuman ang grupo nina Aplacador at Reyes, kasama ang dalawang binatilyo, sa kanto ng Batangas at Cavite Alley, Brgy. 153 dakong alas-2:25 ng madaling araw nang dumating ang grupo ni Querol, Dela Cruz at Castor, upang magtanong hinggil sa umano’y nangyaring pamamalo sa ulo ng isa nilang ka-tropa.

Nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang mga ito na nauwi sa pagrambulan ng dalawang grupo hanggang magpaputok umano ng baril si Dela Cruz na ginantihan naman ng putok ni Reyes na tumama sa likod at kanang braso ni Querol.

Matapos ang insidente, kaagad isinugod ang biktima sa nasabing pagamutan habang nakatakda namang sampahan ng kaukulang kaso ang nadakip na suspek, pati na ng binatilyo nilang kasama. (JUVY LUCERO)