June 22, 2025

TRICYCLE DRIVER, ITINUMBA SA HARAP NG ASAWA SA ANGONO, RIZAL

Karumal-dumal ang sinapit ng isang tricycle driver matapos barilin nang sunod-sunod sa mismong harap ng kanyang asawa sa Brgy. Kalayaan, Angono, Rizal nitong madaling-araw ng Sabado, Hunyo 21.

Kinilala ang biktima na si Antonio Mercado y Mariano, 49 anyos, residente ng #80 Villaluz Street, Brgy. Kalayaan, at isang masipag na tricycle driver.

Ayon sa imbestigasyon ng Angono Municipal Police Station (MPS), pasado 4:55 ng umaga, palabas na sana ng kanilang bahay si Mercado kasama ang kanyang asawa nang biglang sumulpot ang gunman at paulanan siya ng bala. Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang salarin patungo sa Samson Street sakay ng isang itim na NMAX na motorsiklo.

Agad na isinugod sa Rizal Provincial Hospital System – Angono Annex ang biktima, ngunit idineklarang dead on arrival (DOA) ng mga doktor. Hindi na nagawa pang mailigtas ang ama ng tahanan na kilala sa kanilang lugar bilang tahimik at masipag.

Patuloy na isinasagawa ng pulisya ang follow-up operation at CCTV backtracking upang matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin. Humiling na rin ng tulong ang mga imbestigador mula sa Rizal Provincial Forensic Group para sa mas masusing pagsusuri sa pinangyarihan ng krimen.

Ayon sa mga saksi, ang gunman ay isang lalaking nasa 5’2” ang taas, nakasuot ng itim na t-shirt, itim na pantalon, at itim na helmet — malinaw na planado at hindi random ang krimen.