November 5, 2024

TRICYCLE DRIVER BINARIL NG SEKYU SA ULO, KRITIKAL

Nasa kritikal na kalagayan ang isang tricycle driver matapos barilin sa ulo ng isang security guard makaraan ang kanilang mainitang pagtatalo sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Kasalukuyang inoobserbahan sa Mary Johnston Hospital sa Tondo, Manila sanhin ng tinamong tama ng bala sa ulo ang biktimang si Anthony Arcilla, 35 ng 78 Lutos St., Brgy. Longos.

Kaagad namang ipinag-utos ni Malabon police chief P/Col. Joel Villanueva sa kanyang mga tauhan ang manhunt operation sa suspek na si Ralph Relly Galeos, 32, security guard ng Dura Lex Security and Investigation Service Inc. at residente ng 8C Adalia St. Brgy. Longos.

Ayon kina police investigators P/SSgt. Mardelio Osting at P/SSgt. Ernie Baroy, dakong 11:45 ng gabi, nasa loob ng kanilang bahay si Arcilla at kanyang live-in partner na si Rosalina Paras, 30 nang dumating ang suspek at sinabihan ang biktima na mag-usap sila sa labas ng bahay.

Sa pahayag ng saksing Midel Navarro, 63 sa pulisya, nasa loob siya ng kanyang bahay nang marinig niya ang biktima at ang suspek habang mainitang nagtatalo sa kanto ng Lutos St. corner Borromeo Ext. hanggang sa maglabas ng baril si Galeos saka pinutukan sa ulo si Arcilla.

Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang suspek sa hindi matukoy na direksyon habang isinugod naman sa naturang pagamutan ang biktima ng rumespondeng mga tauhan ng DRRMO ng Malabon city.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang tunay na motibo sa insidente. (JUVY LUCERO)