November 3, 2024

TREE PLANTING BAWAT MAIBEBENTANG SASAKYAN (Isinusulong ni Lapid)

Isinulong sa Senado ni Sen. Lito Lapid na gawing mandatory ang pagtatanim ng punong kahoy para sa bawat nabebentang sasakyan.

Batay sa kaniyang Senate Bill 1938, 10 puno ang kailangang itanim sa tuwing na may naibebentang motorvehicle unit.

Magiging saklaw nito ang mga dealer at retailers ng sasakyan.

Ayon kay Lapid, kailangang maisakatuparan ang nasabing aktibidad sa loob ng anim na buwan, mula nang bilhin ang sasakyan.

Naniniwala ang mambabatas na makakatulong ang ganitong batas para masuportahan ang reforestation ng pamahalaan. “Hindi naman lingid sa ating kaalaman na kabilang sa nagpapadumi ng ating hangin at kasama na rin sa dahilan ng pagkasira ng ating kalikasan ay ang mga sasakyan at ang ibinubuga nitong usok. Ngayon ramdam na natin ang tindi ng galit ng kalikasan lalo na sa panahon ng mga sakuna gaya ng bagyo kaya ngayon na rin ang tamang panahon na sa tingin ko ay dapat na aksyunan natin ang problemang ito. Isang konkretong batas ang dapat na maipasa kaugnay nito at pwede natin simulan bilang requirement sa mga dealers ng sasakyan na kapalit ng kinita nila sa kanilang negosyo ay magbalik sila ng kaunting pabor para sa ating kalikasan sa pamamagitan ng pagtatanim ng puno,” wika ni Lapid.