December 28, 2024

‘TRASLACION’ SA 2024, MATAAS ANG POSIBILIDAD – LACUNA

Pinag-iisipan ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang posibilidad na payagan ang pagdaraos ng tradisyunal na ‘Traslacion’ sa 2024.

Ito ay matapos na maging matagumpay, maayos at walang aberya ang isinagawang motorcade para sa Itim na Nazareno noong Biyernes Santo.

Matatandaan na sumangayon si Manila Mayor Honey Lacuna sa mga Quiapo Church authorities at Hijos Del Nazareno na magsagawa ng motorcade sa halip ang nakagawiang prusisyon tuwing Biyernes Santo.

Sa kanyang pahayag, sinabi ng lady mayor na ang magiging resulta ng motorcade ang siyang pagbabasehan ng lokal na pamahalaan kung papayagan ang ‘Traslacion’ sa Enero 9 nang darating na taon.

Ang motorcade ay ginawa ganap na 12:01 a.m. noong Biyernes Santo, April 7, at nagsimula at natapos sa Quiapo Church, habang dala-dala ang replica ng Itim na Nazareno.

Ang kapareho ding ruta ng taunang Traslacion ang sinundan kung saan may mahigit na 11,000 katao ang nakilahok.

Mahalaga ang pagsasagawa ng motorcade upang malaman kung paano ipinadiriwang ang Kapistahan ng Itim na Nazareno sa January 9 sa susunod na taon, ayon kay Lacuna.

Bagama’t ang bilang ng mga dumalo ay malayo sa bilang ng mga dumadalo sa prusisyon tuwing January 9 na Pista ng Itim na Itim na Nazareno, ang tagumpay ayon kay Lacuna ng motorcade ay nagpapakita na kayang hawakan ng mga Hijos ang napakalaking bilang ng mga nagsidalo.

“The possibility of a Traslacion being held in 2024 is being highly considered,” sabi ng lady mayor matapos na ipakita ng mga deboto ang kanilang disiplina at kaya nilang umayos sa pamamaraang tama habang ipinadarama ang kanilang pananampalataya.

Sakaling mangyari ito, sinabi ni Lacuna na ang lahat ng suporta ay ibibigay ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng Manila Parking and Traffic Bureau, city engineering office, Manila Disaster Risk Reduction Management Office, Manila Police District at ng department of public services, at iba pa na tulad din ng ginawa ng Maynila noong Biyernes Santo nang magsawa ng motorcade. ARSENIO TAN