November 18, 2024

Trabaho para sa mga senior malapit nang matupad

TIWALA si House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo na malapit ng magkaroon ng katuparan ang isinusulong na pagbubukas ng trabaho sa hanay ng mga senior citizen matapos na pagtibayin sa House Committee on Ways and Means ang consolidated version ng panukalang batas na inihain sa Kamara.

Paglalarawan ni Tulfo sa naturang panukala, isang positibong hakbang aniya patungo sa inaasam na pagsang-ayon ng Kamara ang pagkatig ng komite sa naturang proposed measure – “Employment Opportunities for Senior Citizen and Private Entities Incentives Act.”

Ayon kay Tulfo, hindi lang ang paglikha ng trabaho para sa mga nakatatanda ang layon ng nasabing house bill – bagkus ay upang manatiling aktibo at produktibo bahagi ng lipunan ang mga senior citizen, tiyakin ang maayos na pangangatawan at isipan at magkaroon ng financial security.

Naniniwala rin ang kongresista na magbibigay ng katatagan, katapatan at malawak na karanasan o kaalaman sa isang kumpanya ang pagkakaroon ng kawani na senior citizens – “Senior citizens often require less training and can serve as mentors to younger colleagues,” wika ng ACT-CIS partylist solon.

“It also incentivizes companies to hire senior citizens by offering a significant tax reduction — 25 percent of the total amount paid as salaries, wages, benefits and training provided to senior citizen employees,” sabi pa ng ranking House official.

Bukod kay Tulfo, kasama sa mga may-akda ng nasabing panukalang batas ang kanyang mga kasamahan mula sa ACT-CIS partylist na sina Reps. Edvic Yap at Jocelyn Tulfo. Kasama rin sina Reps. Eric Yap, Ralph Wendel Tulfo, Rodolfo Ordanes, Eduardo Villanueva, Sittie Shahara Mastura, Florida Robes, Alfred Delos Santos, Stella Luz Quimbo, Paolo Duterte, Ernesto Dionisio Jr., Maria Rachel Arenas, Rosanna Vergara, Salvado Pleyto, Rachel Marguerite Del Mar, Emerson Pascual, Loreto Amante, at Milagros Aquino Magsaysay.

Nakapaloob sa naturang house bill na ang mga senior citizen na may kakayahan at nais magtrabaho, o muling magtrabaho ay bibigyan ng kaukulang impormasyon – at sa tulong ng Department of Labor and Employment (DOLE) ay magsasagawa ng ‘matching services’ para matukoy kung mayroong job opening na nababagay sa kanila.

“All government agencies and private entities shall institute an employment program that shall promote the general well-being of senior citizens and ensure access to employment opportunities to those who have the qualifications, capacity, and interest to be employed,” ang nakasaad pa sa inaprubahan ng komite na panukalang batas.