PATAY ang isang 11-anyos na batang lalaki matapos mabangga ng e-bike habang tumatawid sa kalsada sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.
Nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas sa Tondo Medical Hospital sanhi ng tinamong pinsala sa ulo ang biktima na residente ng lungsod.
Pinaghahanap naman ngayon ng pulisya ang driver ng E-Bike na si Ralph Justine Mahusay, 18, ng E. Mariano St., Brgy. Tangos-South na tumakas matapos malaman na namatay ang biktima.
Sa report ni PCpl Dandy Sargento kay Navotas police chief P/Col. Santos Sumingwa Jr., dakong alas-11:45 ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng A.R. Cruz., Brgy. Tangos South, Navotas City.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, tinatahak ng e-bike na minamaneho ng suspek ang kahabaan ng A.R Cruz Street patungo sa Tanglaw ng Wawa, Brgy. Tangos South nang mabangga nito ang biktima na tumatawid sa lugar.
Sa lakas ng impact, tumilapon ang biktima at humampas ang ulo sa sementadong kalsada na naging dahilan upang isugod siya ng suspek at mga tanod ng Barangay Tangos North sa nasabing hospital subalit, namatay din ito.
Inihahanda na ng pulisya ang pagsasampa ng kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide kontra sa suspek sa Navotas City prosecutor’s office.
More Stories
P761K droga, nasamsam sa Caloocan buy bust, 3 tiklo
Leader ng “Melor Robbery Gang” na wanted sa Valenzuela, timbog!
VP Sara tinatakasan P612.5-M confidential fund