January 23, 2025

TOTOO BANG MAY GUMAPAGAPANG SA KONGRESO PARA MABIGYANG MULI NG PRANGKISA ANG ABS-CBN?

Dahil sa marami ang nag-uudyok sa atin na maging topic aniya ng talakayan sa ating pitak ang tungkol sa prangkisa ng giant network na ABS-CBN— pagbibigyan ko po ang inyong kahilingan mga Ka-Sampaguita. Ano nga ba ang pananaw at opinyon ko rito?

Buweno, batid nating nagsasagawa ng hearing kaugnay sa nasabing isyu ang Kamara. Dahil diyan, nakalkal ang mga naging paglabag ng istasyon— na umeere gayung paso na pala ang prangkisa.

Siyempre, mali yung ganun, kaya umaksyon ang kinauukulan, ang NTC, ang Office of the Solicitor General at ang Kongreso. Dahil nga sa nabisto ang iligalidad ng network, hayun, ipinasara at ipinatigil ang kanilang mga palabas kahit sa digital TV at sa cable.

Nakita’t napanood natin sa telebisyon ang isinasagawang hearing— at kawawa sa paggisa nina Congressman Mike Defensor, Cong. Jesus Crispin Remulla at Cong. Rodante Marcoleta ang CEO ng network na si Atty. Carlo Katigbak.

Papaano ba naman kasi, sukol na, humihirit pa. Napansin lang natin mga ka-Sampaguita na may ilang Kongresista ang binabale ang batas para mabigyan uli ng prangkisa ang ABS-CBN. Iisa-isahin ko pa po ba sila? Obyus naman po kung sinu-sino sila.

Bakit kaya ganun? Bakit gumagawa ng paraan ang mga Kongresistang ito para makalusot ang prangkisa ng Kapamilya? Sasabihin ko pa ba ang dahilan? Ano ba ang pakiramdam ng mamantikaan sa nguso, mga kababayan kong mahal?

May natunugan tayong sitsit na matindi raw ang lobbying sa mga Kongresista natin para muling maumbalik sa pagsasa-himpapawid ang network. Kung totoo man ito o hindi, aba’y masama ito.

Pero, palagay naman natin, hindi masisilaw ang mga Kongresista natin diyan. Mahirap masira sa taumbayan. Remember, puhunan sa susunod na eleksyon ang pagkakaroon ng magandang imahe sa taumbayan .

Para naman sa mga Kongresista na nagtatanggol sa Kapamilya network, kung totoong concern sila sa kanilang mga empleyado, bakit hinayaan nilang hindi maitama ang sangkatutak na paglabag sa ating batas. Nasanay na ba sila sa pagiging ‘untouchable’ at pagiging ‘king maker’? Remember, ‘ang buhay ay weder-weder lang’.

Bakit todo depensa si Congressman Lito Atienza sa network? Oo nga pala, doon nagtratrabaho ang kanyang anak na si ‘Kuya Kim.’ Hindi kaya… (guess what?) Nagtatanong lang po.

Ito pa…mga Ka-Sampaguita, bakit panay ang putak ng mga talent ng Dos na nananawagan na ibalik sa ere ang network. Kesyo kawawa raw ang karaniwang empleyado? Nasaan daw ang demokrasya at ang malayang pamamahayag?

Hindi ba’t ang lalaki ang talent fee ng mga ‘yan? Bakit hindi sila magbalikatan upang bigyan ng ayuda ang karaniwang manggagawa ng network?

Para nga ba sa bayan at sa sambayanang Pilipino ang mga ipinaglalaban nila? ‘O para lang sa kanilang sariling interes?

Sa tingin n’yo po ba, may epekto sa mga nag-iisip na ngayong si Juan de la Cruz ang impluwensiya ng mga artista nila para mabago ang sitwasyon? Wa epek hindi po ba?

Totoo bang luging-lugi na ang Kapamilya dahil sa wala na silang palabas— kung saan kumikita umano sila ng Php 35 milyon kada araw dahil sa patalastas o komersiyal?

Kung totoo ito, bakit umuugong ang sitsit na may gumagapang umano sa Kongreso para mabigyang muli ng franchise ang Dos? Totoo nga kaya? Kung oo, magbantay tayo, mga kababayan.

Totoo rin bang may ilan sa Kamara ang nai-insecure ngayon sa Triumvirate nina Congressman Defensor, Remulla at Marcoleta?

Buweno, ang lagay ng ABS-CBN ay parang na-knockout sa boksing. Talo. Pero, may rematch ika nga. Abangan na lang natin mga kababayan ang susunod na kabanata. Adios Amorsekos.