NALAGLAG sa kamay ng mga ahente ng Philippine National Police Intelligence Group nitong Lunes ang isang mataas na lider ng New People’s Army na kabilang sa most wanted persons sa Cagayan Valley sa ikinasang operasyon sa Caloocan City, ayon kay PNP-IG director, Brigadier General Edgar S. Monsalve.
Sa ipinadalang report kay PNP chief, General Debold Sinas, kinilala ng opisyal ang naarestong suspek na si Ronnel Mamauag Gabion alyas ‘Ka Diwa/Macmac/Leones Infante,’ ang 10th Regional Most Wanted Person sa Cagayan Valley.
Ayon kay Monsalve, natunton ang pinagtataguan ng suspek sa Bgy. Kaybiga, Caloocan City matapos ang isang “intelligence-driven operation” na isinagawa ng mga opisyales ng Regional Intelligence Unit 2 sa ilalim ng Comprehensive Plan ‘Ganas’ nito.
Nabatid na dakong alas-5:45 ng hapon noong Lunes, nang arestuhin ng mga operatiba ng PNP-IG, PNP Criminal Investigation and Detection Group at National Capital Region Police Office ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inilibas ng Ballesteros, Cagayan Regional Trial Court Branch 33.
Tinukoy ng PNP-IG director ang nahuling suspek bilang miyembro ng Northern Front KRCV ng CPP/NPA at kilala bilang vice squad leader ng Danilo Ben Command ng NPA na nasa ilalim ng West Committee.
“The suspect will be presented to the court after a routine debriefing,” saad ni Monsalve.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA