December 25, 2024

TOP MARK MULA SA COA, MULING NAKAMIT NG NAVOTAS

MASAYANG tinanggap ni Congressman Toby Tiangco at Mayor John Rey Tiangco ang Commission on Audit (COA) report mula kay Percival Arlos, OIC-Supervising Auditor ng Navotas Auditing Unit matapos muling makamit ng Pamahalaang Lunsod ng Navotas ang pinakamataas na audit rating mula sa COA, ang “unmodified opinion” para sa ika-pitong magkakasunod na taon. (JUVY LUCERO)

SA pang pitong magkakasunod na taon, muling nakamit ng Pamahalaang Lunsod ng Navotas ang pinakamataas na audit rating mula sa Commission on Audit (COA).

Ang 2021 audit report ng ahensya ay nagpakita na ang Navotas ay nakakuha ng “unmodified opinion” para sa ika-pitong magkakasunod na taon.

Masayang tinanggap ni Congressman Toby Tiangco at Mayor John Rey Tiangco ang COA report mula kay Percival Arlos, OIC-Supervising Auditor ng Navotas Auditing Unit. 

Pinuri at pinasalamatan naman ni Cong. Tiangco ang lahat ng mga departamento ng pamahalaang lungsod para sa kanilang tunay na serbisyo para sa mga Navoteños.

“Patunay po ito ng maayos at tapat na paggamit natin ng pondo ng bayan,” pahayag ng dating alkalde.

Dagdag niya, ang pamahalaang lungsod sa ilalim ng pamamahala ng kanyang kapatid na si Mayor John Rey ay magpapatuloy sa tatak ng maingat na paggasta at tapat na paggamit ng pambublikong pondo.

Nagbibigay ang COA ng “unmodified opinion” sa isang tanggapan o ahensya ng gobyerno na nagpakita ng financial position, financial performance, at cash flows sa patas na paraan at alinsunod sa International Public Sector Accounting Standards.