February 21, 2025

Top 8 MWP, Chinese national tiklo sa manhunt ops

TIKLO ang dalawang wanted persons, kabilang ang isang Chinese national sa magkahiwalay na manhunt operation ng pulisya sa Bulacan at Valenzuela City.

Ayon kay Valenzuela City Police Chief P/Col. Nixon Cayaban, ikinasa ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) sa pangunguna ni P/Lt. Jaime Abarrientos ang pagtugis kay alyas “Jay-Jay”, 34, mototaxi driver ng Barangay Karuhatan.

Dakong alas-6:40 ng Martes ng gabi nang makorner nina Lt. Abarrientos sa Landicho St., Barangay Balasing, Sta. Maria, Bulacan ang akusado na nakatala bilang Top 8 MWP sa Lungsod ng Valenzuela.

Si alyas Jay-Jay ay binitbit ng mga tauhan ng WSS sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Valenzuela City Regional Trial Court Branch 270 noong December 3, 2024, para sa kasong Lascivious Conduct under Section 5 of RA 7610, for service of sentence.

Kasunod nito, alas-11:10 ng gabi nang matimbog din ng mga tauhan ni Col. Cayaban ang Chinese national na si alyas “Junqin”, 43, sa manhunt operation sa Derupa St., Barangay Maysan.

Si alyas Junqin, na nahaharap sa mga kaso sa ilalim ng RA 8293, Section 155 in relation to Section 170 (Intellectual Property Code of the Philippines), ay dinakip sa bisa ng warrant issued na inilabas ng Valenzuela City RTC Branch 75 nitong February 13, 2025 na may inirekomendang piyansa na P30,000 para sa kanyang pansamantalang paglaya.

“We remain steadfast in our commitment to uphold the law and ensure the safety of our community. The successful arrest of these two wanted individuals is a testament to the dedication and hard work of our officers. We will continue to relentlessly pursue those who threaten the peace and security of Valenzuela City,” pahayag ni Col. Cayaban.