December 24, 2024

Top 8 most wanted person ng Valenzuela, timbog sa Malabon

SWAK sa selda ang isang wanted na construction worker matapos masakote ng mga operatiba ng Station Intelligence Section (SIS) ng Valenzuela police sa isinagawang manhunt operation sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

          Kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr., ang naarestong suspek na si alyas “Ronnkaizer”, 20 ng Brgy. Santolan, Malabon City at nakatala bilang Top 8 Most Wanted Person ng Valenzuela City.

          Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Destura na nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng SIS na nakatira ang akusado sa Brgy. Santolan, Malabon City.

          Bumuo ng team ang SIS sa pamumuno no P/Cpt. Ronald Sanchez saka ikinasa ang intensified manhunt operation kontra wanted persons na nagresulta sa pagkakadakip sa akusado dakong alas-6:30 ng gabi J.N. Templora Street, Brgy. Santolan, Malabon City.

          Ayon kay Cpt. Sanchez, inaresto nila ang akusado sa bisa ng warrant of arrest was na inisyu ni Presiding Judge Mateo B Altarejos ng Family Court, Branch 16, Valenzuela City noong May 8, 2023, para sa kasong Lascivious Conduct under Sec. 5(B) of R.A. 7610 as amended by R.A. 11648.

          Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng Valenzuela police habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte.