MAKALIPAS ang mahigit isang taon pagtatago, bumagsak na sa kamay ng mga awtoridad ang isang lalaki na wanted sa kasong panggagahasa matapos masakote sa isinagawang manhunt operation nang bumalik sa kanilang tahanan sa Valenzuela City.
Kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr., ang naarestong akusado na si alyas Louie ng Brgy. Bignay ng lungsod.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Destura na nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) na bumalik sa kanilang lugar sa Gitnang Bukid, Galas St., Brgy., Bignay ang akusado makalipas ang isang taon pagtatago sa Bulacan.
Sinabi pa ng impormante na nangangamba sila sa muling pagbabalik ng akusado dahil sa hindi magandang ikinikilos nito lalo na umano sa mga kabataang babae sa kanilang lugar.
Bumuo ng team si Col. Destura sa pangunguna ng WSS, kasama ang Detective Management Unit (DMU) at Northern Maritime Police saka nagsagawa ng manhunt operation kontra wanted persons na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado.
Ani Col. Destura, pinosasan ng kanyang mga tauhan ang akusaso sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Valenzuela City Regional Trial Court Branch 270, noong May 26, 2022 para sa kasong Rape under Article 266-A paragraph 1(D) at paragraph 2 ng Revised Penal Code na may kaugnayan sa Section 5(b) ng RA 7610 na walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Costudial Facility Unit ng Valenzuela CPS habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte.
More Stories
Marubdob na trabaho sa POC mas taimtim sa bagong taong 2025 – Tolentino
Lalaki dinampot sa higit P300K shabu sa Caloocan
Kelot na wanted sa sexual offenses sa Valenzuela, timbog!