April 30, 2025

Top 7 most wanted person, huli sa Valenzuela

SWAK sa rehas ang 61-anyos na lolo na kinasuhan sa malalaswang gawain ng hindi tinukoy na biktima nang madakma ng pulisya sa isinagawang manhunt operation sa Valenzuela City, kahapon ng umaga.

Ayon sa ulat, nagtatago sa Brgy. Marulas ang Top 7 Most Wanted Person ng lungsod.

Kaya agad nagkasa ang Warrant and Subpoena Section (WSS) ng manhunt operation na nagresulta sa pagkakadakip sa akusadong si alyas “Lolo Lowet” dakong alas-10:30 ng umaga sa Reyes Compound sa La Huerta St. Brgy. Marulas.

Ang akusado ay dinakip ng mga operatiba ng WSS sa bisa ng arrest warrant na inilabas ni Valenzuela Family Court Presiding Judge Mateo B. Altarejos ng Branch 16 kaugnay sa kasong Acts of Lasciviousness na may piyansang P180,000.00 para sa kanyang pansamantalang paglaya.

Pansamantalang nakapiit sa Custodial Facility Unit ng Valenzuela Police Station ang akusado habang hinihintay ang ilalabas na kautusan ng korte para sa paglilipat sa kanya sa Valenzuela City Jail.