July 3, 2024

TOP 6 MOST WANTED PERSON NG NPD, ARESTADO NG VALENZUELA POLICE

ARESTADO ang 60-anyos na lolo na nakatala bilang top 6 most wanted person sa Northern Police District (NPD) ng mga operatiba ng Station Intelligence Section (SIS) ng Valenzuela police sa ikinasang manhunt operation sa Batangas.

Sa kanyang ulat kay NPD Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban na nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa pinagtataguang lugar ng akusado sa Batangas.

Agad inatasan ni Col. Cayaban ang SIS na bumuo ng team sa pangunguna ni P/Major Randy Llanderal saka ikinasa ang manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong alas-6:00 ng gabi sa Relocation Site, Barangay Palikpikan, Balayan, Batangas.

Ayon kay Major Llanderal, dinakip nila ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Maria Nena Juaban Santos ng Regional Trial Court Branch 171 noong October 21, 2021, para sa kasong Rape (RPC ART 266-A).

Pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng Valenzuela City Police Station habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte.