December 25, 2024

Top 2 most wanted person ng Samar, timbog sa Valenzuela

DINAKIP ng mga tauhan ng Valenzuela Police Warrant and Subpoena Section (WSS) ang isang lalaki na kabilang sa top 2 most wanted person ng lalawigan ng Samar habang nakakulong sa Valenzuela City Jail (VCJ) matapos mahuli sa drug operation.

Kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr, ang akusado na si Lemuelle Dacles, alyas “Noynoy”, 29, ng Sacred Heart Compound, Brgy., Canumay West at top 1 most wanted person naman ng Calbayog City Police Station.

Ayon kay Col. Destura Jr, unang nahuli ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela police sa pangunguna ni P/Capt. Joel Madregalejo si Dacles noong June 27, 2023 sa buy-bust operation sa Santolan Service Road, Brgy. Gen. T. De Leon at nakuha sa kanya ang nasa 9.27 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P63,036.00.

Nang magsagawa naman ng beripikasyon ang mga tauhan ng WSS ay napag-alamang nila na wanted si Dacles sa nabanggit na lalawigan dahil naman sa kaso ng walong bilang ng ‘statutory rape’.

Dakong alas-3:45 ng hapon nitong September 26 nang isilbil ng mga tauhan ng WSS sa pangunguna ni P/Lt Ronald Bautista kay Dacles sa loob ng VCJ ang warrant of arrest na inilabas ng Calbayog City, Samar Regional Trial Court, Branch 31, noong December 3, 2021, ng walang inirekomendang piyansa.

Ani Lt Bautista, nakipag-ugnayan na sila sa Calbayog City Police Station hinggil sa pagkakadakip ni Dacles na mananatiling nakapiit sa VCJ habang dinidinig ang kanyang kasong paglabag sa section 5 at 11 ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.