December 24, 2024

Top 2 Most wanted person ng Malabon, arestado

Arestado ng pinagsanib na puwersa ng Warrant and Subpoena Section (WSS), Station Intelligence Section (SIS) at Regional Mobile Force Battalion ng National Capital Region Police Office (RMFB-NCRPO) ang Top 2 Most Wanted Person ng Malabon City, kamakalawa ng gabi sa naturang lungsod.

Ayon kay Malabon police chief P/Col. Albert Barot, inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Malabon Regional Trial Court (RTC) Judge Josie Rodil ng Branch 293 para sa dalawang bilang na kasong rape si Angelo Jao Calizar, 21, sa harap ng kanyang tirahan sa 13 Leono St. Brgy. Tañong, dakong alas-9:30 ng gabi.

Kasama ng mga tauhan ni P/CMSgt. Gilbert Bansil, hepe ng WSS ang mga operatiba ng RMFB-NCRPO sa pangunguna ni P/Capt. Ronilo Aquino at SIS chief P/Lt. Joseph Alcazar nang isagawa ang pagdakip sa akusado.

Ayon kay P/SMSgt. Addrich Reagan De Leon, isa sa mga arresting officers, noon pang nakaraang taon nangyari ang umano’y panghahalay ng suspek sa dalagang biktima na kanyang kaibigan.

Nagkausap umano sa barangay ang pamilya ng magkabilang panig subalit hindi nagkasundo na panagutan ng lalaki ang nangyari dahil nag-aaral pa sa kursong tourism ang suspek.

Bukod dito, mistulang nainsulto pa umano ang pamilya ng biktima, matapos na umano’y ipagmalaki pa ng pamilya ang kagandahang lalaki ng suspek na nakabighani ng husto sa biktima.

Sinabi ni Col. Barot, naibalik na ng kanyang mga tauhan ang warrant of arrest sa korte at hihintayin na lamang ang paglalabas ng hukom ng commitment order na nagdedetermina kung saan dapat idetine ang suspek habang hinihintay ang pagsisimula ng paglilitis sa usapin.