December 20, 2024

Top 10 priority list ng PDEA Pro MIMAROPA, nabitag sa Caloocan

KALABOSO ang isang lalaki na kabilang sa top 10 priority list ng PDEA Pro MIMAROPA at listed bilang High Value Individual (HVI) ng Oriental Mindoro Provincial Police Office nang masakote ng pulisya sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang naarestong akusado bilang si John Paul Villafuerte alyas “Daga”, 40, vendor ng No. 19 Malaria Road, Brgy. 185.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen Ponce Rogelio Peñones Jr, sinabi ni Col. Lacuesta na kasama ang mga tauhan ng PNP DEG SOU 4B sa pangunguna ni PCPT Camilo Fajardo Jr, nagsagawa ang Caloocan police sa pangunguna ni PMAJ Segundino Bulan Jr at PMAJ Geraldson Rivera ng joint manhunt operation kontra wanted persons.

Ani Major Rivera, sinilbihan nila ng warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court (RTC) Fourth Judicial Region Branch 40, Calapan City, Mindoro Oriental noong January 25, 2023, para sa kasong Section 5 Art II of RA 9165 ang akusado sa loob ng Custodial Facility ng Tala Police sub-Station (SS14) dakong alas-2:50 ng hapon.

          Nauna rito, naaresto ng mga tauhan ng SS14 si Villafuerte dahil sa paglabag sa PD 1602 (Cara y Cruz) sa lungsod hanggang sa mapag-alaman ng pulisya na wanted ang suspek sa Oriental Mindoro dahil sa pagkakasangkot sa pagbebenta ng illegal na droga.