
BAGSAK sa kulungan ang 35-anyos na lalaki na wanted sa kasong murder matapos malambat ng pulisya sa ikinasang manhunt operation sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Navotas police chief P/Col. Mario Cortes, isinagawa ng mga operatiba ng Station Intelligence Section (SIS) sa pangunguna ni P/Major Albert Juanillo Jr ang pagtugis sa akusado na nakatala bilang Top 1 Most Wanted Person sa lungsod at leader umano ng ‘Loreto Drug Group’.
Dakong alas-7:50 ng gabi nang madakip nina Major Juanillo ang akusado sa M. Naval St., Barangay Sipac-Almacen sa operation na bahagi ng pinaigting na Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations (SACLEO).
Binitbit ng mga tauhan ng SIS ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Malabon City Regional Trial Court (RTC) Branch 170, noong January 22, 2025 para sa kasong Murder na walang inirekomendang piyansa.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng Navotas police habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte.
Pinuri ni P/Col. Josefino Ligan, Acting District Director ng Northern Police District ang Navotas police sa kanilang dedikasyon at mabilis na pagkilos para tiyakin na ang mga pugante ay haharap sa buong puwersa ng batas.
More Stories
DTI itinurnover ang P30-M improved farm-to-market road sa Lanao del Norte
BABAENG SOUTH KOREAN NA WANTED SA RENTAL SCAM NADAKMA
iFWDPH program naglalayong matulungan ang mga OFW na magkaroon ng mga negosyo na nakabase sa teknolohiya