Humarap sa pagdinig ng Senado ngayong araw kaugnay sa operasyon ng mga ilegal na POGO, si Yang Jianxin alyas Tony Yang.
Si Yang ang nakatatandang kapatid ni dating Presidential Economic Adviser Michael Yang, na sinasabing presidente at service provider sa POGO hub sa Bamban, Tarlac ni dating Mayor Alice Guo.
Sa pagdinig sa Senado, sinabi ni Senador Risa Hontiveros na si Tony Yang ay nakalista sa service provider ng Xionwei batay sa mga papeles na nakuha sa ni-raid na POGO Hub sa Bamban.
Si Tony Yang ang sinasabing totoong arkitekto sa lahat ng mga ilegal na negosyo ng pamilya Yang, mula umano sa Pharmaly Pharmaceutical Corporation na nagsuplay ng overpriced medical supplies sa kasagsagan ng pandemya, hanggang sa illegal POGO operations.
Si Tony ay naaresto ng mga awtoridad sa NAIA Terminal 3 noong nakaraang linggo.
Nang tanungin ng mga mambabatas ang pagkatao ni Tony Yang, sinabi nito na isa siyang Chinese national, walang siyang Philippine passport, katunayan ay Chinese passport lang ang kaniyang ginagamit.
Dahil dito ay inilabas ni Senador Hontiveros ang late registration document ng birth certificate ni Tony Yang na may pangalan na Antonio Mahistrado Lim, na ipinanganak sa Misamis Oriental.
Bukod sa pasaporte, ginagamit din nito ang naturang pangalan sa kaniyang driver’s license, ITR at lisensiya ng baril.
Depensa ni Tony Yang, ang lolo raw niya ang naglakad ng kaniyang late registration.
Inamin niya na nagpalit siya ng pangalan para magamit sa negosyo sa Pilipinas.
Inilabas din ni Hontiveros ang isang larawan ni dating PNP Chief Benjamin Acorda, kung saan ka-meeting nito sina Tony at kapatid nitong si Michael.
More Stories
Panghaharas ng China Coast Guard sa West Philippine Sea asahan na… MAINIT ANG ULO SA ATIN NG TSINA – ANALYST
AMA NA GINAWANG PARAUSAN ANG STEPDAUGHTER, ARESTADO MATAPOS MANG-HOSTAGE NG ANAK
BuCor nagsagawa ng seminar workshop kaugnay sa GCTA