December 5, 2024

TOLENTINO: SUSPENSIYON NG LTO PLATE DEADLINE, TAGUMPAY PARA SA MGA RIDER

“Isangptagumpay para sa motorcycle riders.”

Ganito isinalarawan ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino ang inilabas na ‘indefinite suspension’ ng Land Transportation Office (LTO) sa utos nitong ipagbawal ang paggamit ng temporary license plates mula Enero 1, 2025.

“Ang suspensyon ng LTO ‘until further notice’ sa December 31 deadline nito ay papawi sa pangamba ng motorcycle riders. Makapaghanapbuhay sila nang matiwasay at walang pangamba na sila’y maaaring hulihin at pagmultahin,” ani Tolentino.

Nakipag-diyalogo si Tolentino noong Martes sa mga kasapi ng Motorcycle Taxi Community Alliance (MTCA), na nagsagawa ng protesta sa harap ng Senado sambit ang tanong na, ‘Nasaan ang plaka?’

Ayon sa MTCA, marami sa kanilang mga miyembro ang naghihintay na ng maraming buwan, at kahit taon, para sa kanilang opisyal na plaka para sa kanilang motorsiklo.

Nangako ang senador na tutulungan ang mga rider na iparating ang kanilang mga hinaing sa kinauukulan.

Nauna nang nanawagan si Tolentino para ipagpaliban ang September 1 deadline ng LTO, na iniurong naman ng ahensya sa Disyembre 31.

“Bagama’t maituturing itong isang panalo, hindi nakatutuwa ang paulit-ulit nilang deferment. Dapat maging malinaw ang LTO sa mga pahayag nito kung kailan ba talaga nila mareresolba ang malaking backlog sa plaka. Hindi naman tama na palagi na lang tayong manghuhula, gayundin yung pagtatakda nila ng ‘di makatwirang mga deadline, gayong kahit sila ay di kayang matupad ang kanilang targets,” pagtatapos ni Tolentino.