INUDYUKAN ni Senate Majority Leader Francis Tolentino ang National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA) na simulan na ang paggawa ng bagong mapa ng Pilipinas at hindi na dapat nitong hinatayin pa ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act 12064 o Philippine Maritime Zones Act.
Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Tolentino na ang batas mismo ay sapat na batayan para sa paggawa ng bagong mapa.
“Gusto ko sanang paalalahanan ang NAMRIA na pwede na nilang simulan ang pagbalangkas ng bagong mapa kahit wala pang IRR ang PMZA. Ang batas ay sapat na,” ayon kay Tolentino, bilang reaksyon sa naunang pahayag ni NAMRIA administrator Undersecretary Peter Tiangco.
Ipinaliwanag din ng senador ang mga responsibilidad ng Joint Congressional Oversight Committee na lilikhain sa ilalim ng Section 16 ng PMZA, kaugnay naman sa trabaho ng NAMRIA.
Responsibilidad aniya ng oversight panel ang sumusunod: Una, siguruhing wasto ang pagakabalangkas ng mapa; ikalawa, siguruhing kabilang ang entitlements natin na nakapaloob sa ating maritime domain; at ikatlo, siguruhin na maisasakatuparan ng bansa ang mga obligasyon nito sa ilalim ng PMZA.
Pinaalalahanan din nya ang media at publiko na mangyaring pagtuunan ng pansin ang Talampas ng Pilipinas na matatagpuan sa Eastern Seaboard ng bansa, bukod sa West Philippine Sea (WPS).
“Ano man ang entitlements na ating inangkin sa WPS ay atin ding inaangkin sa Talampas ng Pilipinas — at kinilala na rin ito ng United Nations noon pang 2009,” pagdidiin nya, sabay sabi na mayaman ang naturang anyong dagat sa marine resources, minerals, at natural gas, batay sa mga siyentipikong pag-aaral.
Ipinunto ng senador na bagama’t naunahan ng China ang Pilipinas na pangalanan ang apat na underwater features ng Talampas, may mahigit 100 pang features ito na maaaring pangalanan ng bansa.
“Pwede natin pangalanan ang mga ito na Gabriela Silang, Raja Sulayman, at iba pa. Ito ang magiging pamana natin para sa mga susunod na henerasyon,” banggit din ni Tolentino, na syang pinuno ng Senate Special Committee on Philippine Maritime and Admiralty Zones.
Nais din ni Tolentino na maituro ang PMZA at ang katambal nito, ang Archipelagic Sea Lanes Act (RA 12065), bilang elective course sa mga law school. “Ito’y para mabatid ng future lawyers at future judges ang halaga ng mga makasaysayang batas na ito, at ang kanilang magiging ambag sa kinabukasan ng ating bansa,” pagtatapos ni Tolentino, na isang abogado at law professor.
More Stories
Matapos hiwalayan ng asawa… CHLOE SAN JOSE MAY BUWELTA KAY AI-AI: ‘BACK TO YOU, MAMANG’
NON-COMPLIANT ONLINE STORES IPA-‘PADLOCK’ NG BIR
PNP HANDANG TUMULONG SA POSIBLENG PAG-ARESTO NG INTERPOL KAY DIGONG