November 23, 2024

Toktok driver, 1 pa natimbog sa buy bust sa Valenzuela

Arestado ang dalawang hinihinalang tulak ng iligal na droga kabilang ang isang Toktok deliver rider sa isinagawang magkahiwalay na buy-bust operation ng pulisya sa Valenzuela City.

Ayon kay PSSg Ana Liza Antonio, dakong alas-5:45 ng umaga nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Joel Madregalejo sa ilalim ng pangangasiwa P/Col. Ramchrisen Haveria Jr sa Gen. T De Leon Road, Brgy. Gen T. De Leon kontra kay Ronquel Andy Beltran alyas “Oneng”, 32 ng 35 Pinagpala St., Serrano Subd., Marulas.

Nagpanggap na buyer ng iligal na droga si PCpl Dario Dehitta na nagawang makipagtransaksyon sa suspek ng P1,000 halaga ng shabu at nang tanggapin ni Beltran ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng droga ay agad lumapit ang back up na si PCpl Randy Canton at inaresto ito.

Narekober sa suspek ang nasa 5 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P34,000.00 ang halaga, buy-bust money, P280 cash, ID, driver’s license, sling bag, cellphone at Yamaha motorcycle.

Samantala, dakong 1:30 naman ng madaling araw nang madamba din ng kabilang team ng SDEU si Jayson Bernardo alyas “Itek”, 34, matapos bentahan ng P300 halaga ng shabu si PCpl Robbie Vasquez na nagpanggap na buyer sa buy bust operation sa bahay ng suspek sa 143 Bisig Road, Brgy. Bisig.

Ani SDEU investigator PCpl Pamela Joy Catalla, nasamsam kay Bernardo ang nasa 6 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P40.800.00 ang halaga, buy-bust money, P200 cash, cellphone at kulay itim na coin purse. (JUVY LUCERO)