
MANILA — Inakusahan ni dating vice presidential spokesman Barry Gutierrez si Navotas Rep. Toby Tiangco, campaign manager ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas, na siya mismo ang dahilan ng mahinang resulta ng kanilang mga senatorial bets sa 2025 midterm elections.
Sa isang pahayag nitong Linggo, Mayo 18, sinabi ni Gutierrez na hindi tama ang paglalagay ng sisi ni Tiangco sa impeachment ni Vice President Sara Duterte bilang dahilan ng pagkatalo.
“Let’s call this for what it is: Toby Tiangco failed to deliver. At ngayon, nagpipilit siyang magturo ng iba sa halip na tanggapin ang katotohanan: ang tunay na dahilan ng pagkatalo ay ang kapalpakan niya mismo,” aniya.
Dagdag pa ni Gutierrez, “Kung naging maayos siyang campaign manager, hindi siya maghahanap ngayon ng palusot.”
Binigyang-diin din ng dating tagapagsalita ni dating bise presidente at Naga City Mayor-elect Leni Robredo na ang pagtatangka ni Tiangco na iugnay ang impeachment sa pagkatalo ay patunay lamang na tinatakasan nito ang responsibilidad sa isang kampanyang hindi naayos nang maayos mula pa sa simula.
Tinukoy niya na karamihan sa mga kongresistang bumoto pabor sa impeachment ay nanalo sa mababang kapulungan, taliwas sa ipinapalabas ni Tiangco.
Nauna nang sinabi ni Tiangco na ang impeachment ni Duterte ang dahilan ng mahinang resulta ng Alyansa lalo na sa Mindanao, na matagal nang matatag na lugar ng suporta ng Duterte.
Sa 12 senatorial bets ng Alyansa — isang koalisyon ng limang partido — anim lamang ang nakapasok sa Magic 12, kabilang na si Las Piñas Rep. Camille Villar na humingi pa ng suporta ni Vice President Duterte.
Kabilang din si Imee Marcos, kapatid ni Pangulong Marcos, na orihinal na tumakbo sa ilalim ng Alyansa ngunit humingi ng suporta kay Duterte at tinanggap ng PDP-Laban ilang araw bago ang eleksyon.
Binanggit pa ni Gutierrez ang posibilidad na may ibang motibo si Tiangco sa kanyang ginawang kampanya, na posibleng sinadya nitong pabayaan ang kampanya sa Mindanao upang hindi maipasa ang boto para sa impeachment sa Senado.
“Baka naman ayaw niya talaga sa impeachment. Baka sinadya niyang pabayaan ang Mindanao para siguradong hindi makalusot ang boto para sa impeachment sa Senado,” aniya.
“Kung ganoon nga, hindi ito kampanya kundi sadyang paninira sa pulitika,” dagdag pa niya.
More Stories
Marcos hinihikayat ang bayan na magkaisa at ituon ang pansin sa pag-unlad pagkatapos ng midterm elections
Walang ‘bloodbath’ sa impeachment trial ni VP Sara Duterte — Leila De Lima
Deanna Wong, pinarangalan bilang fan favorite sa kauna-unahang PVL Press Corps awards night