January 24, 2025

Tireman pinagbabaril sa Valenzuela

MALUBHANG nasugatan ang isang tire man matapos pagbabarilin ng isa sa dalawang hindi kilalang suspek na sakay ng isang motorsiklo sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.

Inoobserbahan sa Valenzuela Medical Center sanhi ng tinamong tama ng bala sa kaliwang bahagi ng katawan ang biktimang si Jeroen Jimenez, 32, stay-in sa Nitudas Vulcanizing shop sa No. 6022 Tatalon Street, Mindanao Avenue, Barangay Ugong.

Sa nakarating na ulat kay Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr., naganap ang insidente ng pamamaril dakong alas-9:40 ng gabi sa harap ng nasabing vulcanizing shop.

Batay sa pahayag sa pulisya ng mga saksi, isang hindi kilalang rider ang dumating sa naturang vulcanizing shop para ipaayos ang flat na gulong ng kanyang motorsiklo at kinausap nito ang biktima subalit, abala sa paglalaro sa cellphone niya kaya ang kanyang helper nalang ang nag-ayos ng gulong.

Gayunman, muling bumalik ang rider saka kinompronta ang biktima nang muling ma-flat ang gulong ng kanyang motor na naging dahilan upang mauwi sila mainitang pagtatalo kaya sinabhin ni Jimenez ang kasama niya na ibalik ang ibinayad ng rider kaya itinulak ng nito palayo ang motorsiklo patungong Caybiga, Caloocan City.

Makalipas ang humigi’t-kumulang isang oras, dalawang lalaki na magkaangkas sa motorsiklo at kapwa nakasuot ng itim na long sleeves at itim na helmet ang dumating saka sumigaw ang back rider ng katagang “Pu…. Mo huwag ganyan!” saka pinagbabaril ang biktima na nakaupo sa harap ng shop bago mabilis na tumakas patungong direksyon ng Mindanao Avenue , Quezon City.

Patuloy naman ang follow-up imbestigasyon ng pulisya para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek habang nagsasagawa na rin ng backtracking sa mga CCTV footage sa lugar na maaring makatulong sa insidente. (JUVY LUCERO)