September 22, 2024

Tirador ng peso net sa Camanava, arestado sa Malabon

Arestado ang isang lalaki na sinasabing tirador ng mga peso net sa Camanava matapos pagnakawan ang isang peso net computer shop sa Malabon City.

Kinilala ni Malabon Police SIDMS chief P/Major Ronald Carlos ang naarestong suspek na si Hideo Kuromi, 29 ng 41 C Sampalukan, Mithi St. C3 Road Brgy. 23, Caloocan City.

Sa imbestigasyon ni PSSg Jose Romeo Germinal at PSSg Michael Oben, dakong 1:30 ng hapon nang pagnakawan ng suspek ang peso net computer shop na pag-aari ni Allan Siochi, 30, sa 233 Sitio 6, Brgy. Catmon.

Gayunman, napansin siya ng biktima kaya’t hinabol niya ang suspek hanggang sa makahingi ng tulong si Siochi sa mga nagpaparolyang barangay tanod na nagresulta sa pagkakaaresto kay Kuromi. Nakumpiska sa suspek ang dalawang memory card na nagkakahalaga sa P1,250 bawat isa at isang computer processor na nagkakahalaga sa P1,500.