
TAYTAY, RIZAL — Isang 55-anyos na babae ang nasawi matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek na sakay ng motorsiklo sa Barangay San Juan, Taytay, Rizal nitong Linggo, Hunyo 22, 2025.
Ayon sa ulat ng Taytay Municipal Police Station, naganap ang insidente bandang 5:30 ng hapon sa kahabaan ng J.P. Rizal Street sa Rizal TechnoPark. Natanggap ng himpilan ang ulat mula sa Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU) na agad rumesponde sa pinangyarihan ng krimen.
Batay sa imbestigasyon, ang biktima, na kinilalang si Ana, 55 taong gulang, tindera, at residente ng Sitio Sapang Gody, ay naglalakad mag-isa sa naturang lugar nang lapitan ng dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo. Bigla na lamang bumunot ng baril ang back rider at pinaputukan ang biktima sa katawan, bago tumakas ang mga suspek sa hindi matukoy na direksyon.
Agad namang isinugod ang biktima sa Taytay Emergency Hospital, subalit idineklara itong dead on arrival ng mga doktor.
Ang mga suspek ay inilarawang kapwa nakasuot ng itim na helmet; ang back rider ay nakasuot ng asul na jersey at maong pants, habang ang driver naman ay naka-itim na long sleeves.
Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang tukuyin ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang posibleng motibo sa krimen.
Hinihikayat ng Taytay PNP ang publiko na makipag-ugnayan kung may impormasyon na maaaring makatulong sa paglutas ng kaso.
More Stories
“MAY PROBLEMA KA BA SA MAY AUTISM?” — DENNIS TRILLO, NAG-INIT ANG ULO SA BASHER NG ANAK NI JENNYLYN
Property exposure ng mga bangko sa Pilipinas, bumagsak sa pinakamababang antas sa loob ng 6 taon — BSP
Collegiate Coaches ng UAAP at NCAA, paparangalan sa SMC-Collegiate Press Corps Awards