December 22, 2024

Timeline sa mga Huling Araw ni Dr. Jose Rizal

NGAYONG Disyembre ay ginugunita ang Buwan ni Rizal. Kamakailan ay inilabas ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (National Historical Commission of the Philippines o NHCP, itinatag 1933) ang tema ng pagdiriwang ang “Rizal sa Bagong Pilipinas: Buhay at Aral, Aming Nilalandas.” Magkakaroon ng iba’t ibang mga gawain bilang paggunita sa iba’t ibang kapuluan ng bansa at sa ibayong dagat.

Pagkamartir ng Pambansang Bayani (1896)

Pagsapit ng 30 Disyembre 2024 Lunes ay pangungunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang seremonya ng pagtataas ng bandila at pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Dr. Jose Rizal sa Liwasang Rizal sa Maynila. Siya ay sasamahan nina Kgg. Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan, Punong Lungsod ng Maynila; G. Regalado T. Jose Jr., Tagapangulo ng NHCP; at Sir Raymundo A. Del Rosario, KGCR (Knight Grand Cross of Rizal), Supreme Commander ng Order of the Knights of Rizal.

Narito ang timeline sa limang mga huling araw sa buhay ng pambansang bayani:

01. 26 Disyembre 1896 Sabado:

* Hinatulan si Dr. Rizal na nagkasala ng sedisyon at pinarusahan ng kamatayan ng isang Espanyol na marsiyal na hukuman.

02. 27 Disyembre 1896 Linggo:

* Naging abala si Dr. Rizal sa pakikipag-usap sa kanyang abogadong si Luis Taviel de Andrade, at pagsusulat ng mga liham sa kanyang mga kaibigan at mahal sa buhay.

* Isa-isang inayos ng bayani ang mga nalalabing gamit.

03. 28 Disyembre 1896 Lunes:

* Napagpasyahang bibitayin si Dr. Rizal ng musketry o pagbabaril na pinagtibay ni Gobernador Heneral Camilo Garcia de Polavieja (1838-1914). Ayon kina Zaide (1996), “dahil sa paglagda ng dokumentong nag-uutos ng pagbitay kay Dr. Rizal, panghabang-buhay na kinapootan si Polavieja ng mga Pilipino. Siya at ang ibang opisyal na Espanyol na may pananagutan sa kamatayan ni Rizal ay mananatiling kontrabida sa kasaysayan ng Pilipinas.”

* Sumulat ang inang si Teodora Alonso (1827-1911) sa Gobernador Heneral upang ihingi ng awa ang kanyang anak.

* Nagtungo sa Palasyo ng Malakanyang ang mga babaeng kapatid at ina ni Dr. Rizal upang ihingi ang kapatawaran.

04. 29 Disyembre 1896 Martes:

* 06:00 Umaga: Binasa kay Dr. Rizal ang hatol sa kaniyang kamatayan.

* 07:00 Umaga: Dinala si Rizal sa kapilya ng preso kung saan siya namalagi. Ang mga una niyang panauhin ay sina Padre Miguel Saderra Mata (Rektor ng Ateneo Municipal) at Padre Luis Viza, Heswitang guro.

* 07:15 Umaga: Ibinigay ni Padre Viza kay Rizal ang istatwa ng Sagradong Puso ni Hesus na inukit niya sa tulong ng lanseta noong siya’y nag-aaral pa sa Ateneo. Masayang tinanggap ito ng bayaning at inilagay sa ibabaw ng kanyang eskritoryo (Zaide, 1996).

* 08:00 Umaga: Dumating si Padre Antonio Rosell upang palitan si Padre Viza. Sinabayan ng pari ang bayani sa agahan. Dumating si Tenyente Luis Taviel de Andrade (abogado ni Rizal) at pinasalamatan siya ni Rizal sa kanyang serbisyo.

* 09:00 Umaga: Dinalaw siya ni Padre Federico Faura (1840-97). Ipinaalala sa pari na nagkatotoo ang sinabing siya’y mapupugutan ng ulo dahil sa pagsusulat ng Noli Me Tangere (1887). “Padre, isa kang propeta” ang sabi ni Rizal.

* 10:00 Umaga: Dinalaw siya ni Padre Jose Villaclara, kanyang naging guro sa Ateneo, at ni Vicente Balaguer, ang misyonerong Heswita na naging kaibigan ni Rizal sa Dapitan noong siya’y desterado. Sinundan ng panayam ni Santiago Mataix (1871-1918), mamamahayag ng pahayagang ‘El Heraldo de Madrid’ (itinatag 1890).

* 12:00-03:00 Tanghali-Hapon: Naiwang mag-isa si Rizal sa kanyang selda. Naging abala siya sa pagsusulat.  Marahil sa mga sandaling ito isinulat ni Rizal ang kanyang huling tula. Sinulatan din niya ang kanyang matalik na kaibigan na si Dr. Ferdinand Blumentritt (1853-1913).

* 03:30 Hapon: Bumalik si Padre Balaguer upang talakayin kay Rizal ang pagbawi sa mga ideyang anti-Katoliko sa kanyang mga naisulat at pagiging kasapi ng Masonerya.

* 04:00 Hapon: Dumalaw ang inang si Teodora kay Dr. Rizal sa huling pagkakataon. Sinamahan siya ni Trinidad (1868-1951, ikasampu sa mga magkakapatid). Lumuhod at hinagkan ni Rizal ang mga kamay ng ina, humihingi siya ng tawad. Nag-iiyakan ang mag-ina nang sila’y paghiwalayin ng mga guwardiya. Ibinigay ni Rizal kay Trinidad ang alkolhol na lutuan, at ibinulong sa Ingles: “May laman sa loob”. Ang “laman” ay ang huling tulang isinulat ng bayani. Pinahintulutan din ang mga kapatid na babae at mga pamangkin ng bayani na dalawin siya ng mga ito. Isa-isa niyang ibinigay ang kanyang mga gamit batay sa sumusunod: Narcisa (1852-1939, ikatlo sa mga magkakapatid), upuang kahoy; Angelica (pamangkin), panyo; at Maurico (pamangkin), sinturon, relo, at kadena.

* 06:00 Gabi: Tinanggap ni Dr. Rizal si Don Silvino Lopez Tuñon, Dekano ng Katedral ng Maynila.

* 08:00 Gabi: Huling hapunan ni Rizal.

* 09:30 Gabi: Dinalaw siya ni Don Gaspar, ang piskal ng Royal Audiencia de Manila.

* 10:00 Gabi: Nilagdaan ni Dr. Rizal ang kanyang retraksiyon at muling niyakap ang relihiyong Katolisismo.

05. 30 Disyembre 1896 Miyerkoles:

* 03:00 Umaga: Nakinig ng misa si Rizal, nangumpisal at nangumonyon.

* 05:00-05:30 Umaga: Ang kanyang huling agahan. Pagkatapos ay sinulatan niya ang kanyang pamilya at nakatatandang lalaking kapatid na si Paciano (1851-1930).

* 05:30 Umaga: Dumating si Josephine Bracken (1876-1902), kasama ang kapatid na si Josefa (1866-1945). Lumuluhang nagpaalam si Josephine at yinakap siya ni Rizal. Ibinigay ni Rizal ang huli niyang regalo, ang relihiyosong aklat na ‘The Imitation of Christ’ (1418) ni Padre Thomas Kempis (1380-1471), na kanyang nilagdaan.

* 06:00 Umaga: Sinulatan ni Rizal ang kanyang mga magulang.

* 06:30 Umaga: Dinala si Dr. Rizal sa pagbibitayan sa kaniya mula Puwersa Santiago.

* 07:03 Umaga: Binaril at namatay si Dr. Rizal sa edad na 35 taon, 6 buwan, 1 linggo, at 5 araw.

* Ang bumaril sa bayani ay mga Pilipino mula sa Bulacan Firing Squad (BFS) na binubuo ng labing-apat na sundalo. Dalawang firing squad ang naroon kabilang ang Spain Firing Squad (SFS). Kapag hindi binaril ng mga sundalong Pilipino si Rizal, sila ang babarilin ng mga sundalong Espanyol. Dahil iisang bala lang ang nasa ripple ng mga BFS, hindi batid ng bawat isa kung sino ang may bala na kikitil sa buhay ng bayani basta’t iniutos na asintahin ito. Nabaril ang bayani ng nakatalikod, tumama ang bala sa kanyang likuran o spinal cord sa bandang gulugod na kanyang ikinamatay.

* Ayon sa Pinoy History fb page (2022), “Kinasuhan, kinulong, nilitis, minadali ang resulta pabor sa rebelyon hindi niya ginawa. Binaril ng mga Pilipinong sundalo sa utos ng Spanish Army, kapag hindi nila binaril si Rizal, sila ang babarilin. Naluha ang mga sundalong Pilipino pagkabagsak ni Rizal, sa kamay nila namatay ang Bayani, ngunit hindi pa nasiyahan ang mga kastilang ito, pumunta pa sa binagsakan ni Rizal at binaril muli sa ulo.”

* Matapos ang pagbitay ay kaagad na dinala ang katawan ni Dr. Rizal sa Ospital ng San Juan de Dios (itinatag 1578).

* Inilibing ang mga labi ni Dr. Rizal sa Sementeryo ng Paco (itinayo 1822) na walang tanda.

* Naghagilap si Narcisa sa mga libingan sa tabing-bayan kung saan inilibing ang kapatid. Hindi naglaon ay kanyang natuklasan na inilibing sa Sementeryo ng Paco. Kinausap ang sepulturero at nilagyan ang puntod ng mga titik na R.P.J. (pabaligtad na mga inisyal ni Rizal) bilang tanda.

Makalipas ang halos dalawang taon noong 17 Agosto 1898 Miyerkoles ay pinahintulutang hukayin ang mga labi ni Dr. Rizal. Nilinis ang kanyang mga buto at iningatan ng pamilyang Rizal sa kanilang tahanan sa Binondo.

Seremonya ng Paglilibing kay Dr. Jose Rizal (1912)

Noong 30 Disyembre 1912 Lunes ay isang maringal na seremonya ang naganap upang ilibing ang mga labi ni Dr. Rizal sa ilalim ng kanyang bantayog na alay sa alaala sa Luneta.

Noong 30 Disyembre 1913 Martes ay pinasinayaan ang bantayog ni Dr. Jose Rizal sa Luneta na ngayon ay Liwasang Rizal. Ang monumento na may pamagat na ‘Motto Stella’ (gumagabay na bituin) ay idinisenyo ni Richard Kissling (1848-1919), isang Swisong iskultor at gumagawa ng mga medalya. Sinimulang gawin noong 1908 at natapos noong 1913 na may taas na 12.7 metro. Inihandog kay Rizal bilang alaala sa pagiging makabayan at martir.

              Poster ng Araw ni Rizal 2024
 

Ayon kay Dr. Cresencio G. Peralta, dating pangulo (nanilbihan 1969-87) ng The National Teachers College (itinatag 1928), “Ang kailangan natin ay isang kaluluwang pambansa. Isang kaluluwang aantig sa ating lumipas, makikilahok sa kasalukuyan, maghahanda sa darating. Sa katauhan ni Rizal natin matatagpuan ang pambansang kaluluwang ito.”

Dagdag ni Dr. Sonia M. Zaide (1996), manunulat at propesor ng kasaysayan, “Mabubuhay si Rizal sa puso’t isipan ng ating mga kababayan. At magpapatuloy siya sa pagbibigay ng inspirasyon sa mga bansang Asyano sa kanilang paghanga sa kanyang lupain at kababayan.”

Maligayang Buwan at Araw ni Rizal!