January 24, 2025

TIANGCO SA MGA BARANGAY EXECUTIVE: PAGHUSAYAN ANG PAGLILINGKOD SA MGA NASASAKUPAN

SA isinagawang Sustainable Management and Administration of Local Government through Reengineering and Use of Technology for Barangay Newly Elected Officials (SMART BNEO) Program 2023, pinangahasan ni Mayor John Rey Tiangco ang mga pinuno ng 18 barangay sa Navotas City na laging hangarin ang kahusayan sa paglilingkod sa kanilang mga nasasakupan. (JUVY LUCERO)

NAGPAALALA si Navotas City Mayor John Rey Tiangco sa mga barangay executive na laging hangarin ang kahusayan sa kanilang paglilingkod sa kanilang mga nasasakupan.

Sa ginanap na Sustainable Management and Administration of Local Government through Reengineering and Use of Technology for Barangay Newly Elected Officials (SMART BNEO) Program 2023, pinangahasan ni Tiangco ang mga pinuno ng barangay na lumampas sa inaasahan.

“Hindi sapat na sundin lang natin ang sinasabi ng DILG na mga programa. Merong mga standard pero hindi ibig sabihin, hanggang d’yan lang tayo. Ang gusto natin sa ating lungsod, parating lagpas tayo sa inaasahan sa atin,” aniya.

“Having good intentions alone is not enough. We must accomplish whatever it is we aimed for when we ran for office,” dagdag niya.

Ang Pamahalaang Lungsod ng Navotas, katuwang ang Department of the Interior and Local Government, ay nagsagawa ng serye ng capacity-building activities para sa mga bagong halal na opisyal ng 18 barangay sa lungsod, at sa kani-kanilang Sangguniang Kabataan (SK) chairperson at empleyado.

Layunin nilang turuan ang mga opisyal at empleyado ng barangay sa mga mandato at batas tungkol sa mga tungkulin at pagsunod na may kaugnayan sa epektibong pamamahala sa barangay.

Ang SMART BNEO ay hinati sa dalawang yugto kung saan ang una ay isinagawa noong Nobyembre 23-24 sa Pangisdaan Hall, Navotas City Hall. Ang ikalawang bahagi naman ay ginanap noong Disyembre 4-7, 2023 sa Suzuki Beach Hotel, Subic, Zambales.

Ang mga kalahok ay sinanay sa paglikha ng mga action plan at peace and order, anti-drug abuse, disaster risk reduction and management, health emergency response, solid waste management, gender and development, at proteksyon ng mga kabataan.

Tinalakay din sa paksa ang budgeting, procurement, auditing, at full disclosure policy, gayundin ang Safe Spaces Act, 10-point Agenda ng kasalukuyang administrasyon, at ang thrust para sa Smart LGUs.

Noong nakaraang buwan, pinangunahan ni Mayor Tiangco ang oath-taking ceremony ng 288 bagong hinirang na barangay at SK officials ng Navotas.