
NAGBABALA si Navotas City Representative Toby Tiangco sa publiko sa tumataas na paggamit ng artificial intelligence (AI) sa mga scam at hinimok ang lahat na manatiling alerto.
“Nakakalungkot dahil habang umaangat ang ating teknolohiya, nagiging high tech na rin ang mga scammers,” ani Tiangco, chairman ng Information and Communication Technology (ICT) ng Kamara.
Binanggit niya ang dumaraming ulat ng AI na ginagamit upang lumikha ng mga pekeng transaction slip, na ipinapadala ng mga scammer para linlangin ang mga individual at may-ari ng negosyo.
“Paalala po sa ating mga kababayan, pati na rin sa mga negosyo, huwag basta-basta maniwala sa ipinapakitang resibo ng transaksyon. Mag-double check, mag-validate, dahil kayang-kaya na ngayong gumawa ng pekeng slip gamit ang AI,” pahayag niya.
Ipinag-alala din niya ang pagtaas ng romance at investment scams na ginawang mas nakakumbinsi sa pamamagitan ng AI-generated videos at images.
“May mga scam ngayon kung saan may ka-video call ka pa. Akala mo totoo ang kausap mo, pero AI-generated na pala ang mukha at boses.” sabi ng kongresista.
“Nakakatakot dahil napakadali nang manlinlang ngayon. Ginagamit pa ang mukha ng mga kilalang tao para manlinlang ng iba. Kaya tandaan natin, kung sobrang ganda ng offer, malamang scam na ‘yan,” dagdag niya.
Binigyaang-diin ni Tiangco ang pangangailangang protektahan ang publiko at bigyang babala sa mga nasa likod ng naturang mapanlinlang gawain.
“Itigil na po ang ganitong mga gawain dahil sa oras na mahuli kayo ng kinauukulan, maaari kayong sampahan ng kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act, pati na ang Anti-Financial Scamming Act na magdudulot ng 12 hanggang 20 taon na pagkakakulong,” babala ng mambabatas.
More Stories
“MAY PROBLEMA KA BA SA MAY AUTISM?” — DENNIS TRILLO, NAG-INIT ANG ULO SA BASHER NG ANAK NI JENNYLYN
Property exposure ng mga bangko sa Pilipinas, bumagsak sa pinakamababang antas sa loob ng 6 taon — BSP
Collegiate Coaches ng UAAP at NCAA, paparangalan sa SMC-Collegiate Press Corps Awards