January 23, 2025

Thunderz binokya ang Dumaguete… SAMURAI TINIGPAS ANG IPPC SA LBP

Si LBP Chairman Amando ‘Wopsy’ Zamora sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng LBP Tingzon Cup nitong weekend sa Rizal Memorial Baseball diamond.

NAGPARAMDAM ng talim ang bagitong koponang Samurai matapos na tigpasin ang mga bigating mandaragit ng IPPC (Itakura Parts Philippines Corp.) Hawks, 13-8, sa main game doubleheader ng humataw na Liga Baseball Philippines (LBP) Tingzon Cup, nitong  Sabado ng hapon sa makasaysayang Rizal Memorial Baseball Stadium sa Maynila.

Sa halip na masindak sa mas beteranong kalaban, iwinasiwas agad ng Samurai U-18 ang kanilang  bangis at umalagwa ang mga probinsyanong batters ng 7 runs sa loob ng limang innings na gumulantang sa Hawks ni team owner  Kunifumi Itakura.

Hindi naman basta palulupig, nakuhang dumikit agad ng IPPC sa mas batang kalaban tampok ang hit single ni Hawk Inobio na na RBI (run-batted-in) kay Erwin Bosito upang itabla ang laban 7-7 sa bottom 4th na nasundan pa ng go-ahead run ni  Jonnald Pareja sa double ni Hawk Matanguihan at akma nang lalayo ng tropa sa kanilang all bases loaded with 2 outs pero di nakaporma si Bosito at bat.

Mistulang nagharakiri ang Samurai sa sumunod na frame. Isang grounder at center ni Yuan Sumague ang sumagip sa momentum mula sa RBI single ni  Russel Valencia para sa panabla, 8-8 kasunod ang basehit ni Liam de Vera para sa go-ahead ni  Valencia sa top of 6th na pinalobo pa ng 2-run double ni Arwin Reyes, 11-8.

Matapos ang 7 1/2  innings ay naghahabol ang IPPC, 8-13, sa mga di na lumingon pang Samurai boys ni coach Joseph Orillana at tagasuportang sina Raymond Tolentino, Daniel Ventanilla atbp.

“Motivation ko sa mga bata na just play their game. Advantage kami sa speed at pacing lang sa laro habang nagde-deliver kada inning. Good sign at sana tuluy-tuloy na ito,” pahayag ni winning coach Orillana.

Sa pagbubukas ng telon ng bakbakan sa LBP Tingzon Cup, nagpadagundong agad ang Thunderz matapos bokyain ang Dumaguete, 11-0, para sa buwenamanong panalo sa torneong inorganisa nina LBP Chairman Amando ‘ Wopsy’ Zamora, President Jose ‘Pepe’ Munoz at Executive Director Rodolfo ‘Boy’ Tingzon, Jr.

Sa kanilang talumpati ay ipinahayag ni Zamora kung paano itinatag ang kanilang ligang naglalayong ibalik ang glorya ng baseball sa bansa na sinundan ng pasasalamat ni Muñoz sa mga naging katuwang sa pagkatatag ng liga mula sa mga opisyales, stakeholders, team owners, managers, coaches, players at ang bayang beysbolista.

Pormal namang binuksan ni  Tingzon ang mga hostilidad sa LBP Tingzon Cup (titulong parangal sa kanyang amang legendary baseball leader Rodolfo Tingzon , Sr.) na kinabibilangan ng Thunderz, Dumaguete, Samurai, IPPC, UST,  Ateneo, KBA at NU.