Clark, Pampanga – Iniulat ng Bureau of Immigration (BI) officers ang pagkakaharang sa ilang biktima ng human trafficking na patungo sana sa United Arab Emirates (UAE) kung saan binigyan sila ng pekeng mga itinerary ng kanilang recruiters.
Sa ipinadalang report kay BI Commissioner Jaime Morente ng Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) sa Maynila at Pampanga,ilang Filipino female workers ang nagpakita ng work documents patungo sa Maldives, ngunit sa United Arab Emirates (UAE) talaga pupunta.
Ayon kay Morente, ito ay isang halimbawa ng tinatawag nilang third-country recruitment, kung saan ipapadala ang overseas Filipino workers (OFWs) sa isang bansa, pero sa sa kalunan ay illegal silang ibibiyahe sa ibang bansa na nasa mahirap na kondisyon.
Kadalasan ang mga nabibiktima nitong modus ay mga OFW na ipinadadala sa magugulong bansa gaya ng Syria.
Base sa ulat ng TCEU officers ng Ninoy International Airport (NAIA) naharang ang dalawang babaeng OFW noong Mayo 4. Ang mga biktima ay may edad na 26 at 33, na may ipinakitang valid overseas employment certificates (OECs), work visas sa Maldives, employment contracts at itineraries papuntang Maldives.
Gayunpaman, habang bineberipika sa online systems, nadiskubre na kapwa may hawak ang dalawang biktima na valid tourist visas para sa UAE. Inamin din ng mga ito na tinanggap nila ang mga dokumento para lamang makaalis ng bansa.
Umamin ang isa sa mga biktima na tinuruan lang daw siya ng kanyang recruiter na itago ang kanyang UAE visa. Inamin din nito na nag-apply sila ng trabaho bilang domestic helpers, subalit binigyan siya ng mga dokumento para magtrabaho bilang sales assistants sa Maldives.
Habang sa Clark International Airport, napigilan naman ng TCEU officers ang dalawang baabeng biktima na edad 34 at 36 noong Mayo 16. Ipinakita rin nila ang mga dokumento para magtrabaho sa Maldives bilang isang attendant at receptionist, pero nakita rin sa kanila ang visas para sa UAE.
Ipinagtapat ng isa sa kanila na pinanguan siya ng trabaho bilang isang cleaner sa UAE at nagbayad siya ng P37,000 sa kanyang recruiter para iproseso ang kanyang travel documents.
Inamin din ng kanyang kasamam, na napauwi mula sa UAE noong 2020, na babalikan niya ang kanyang trabaho bilang isang household service worker. Aniya, nagbayad siya ng P50,000 sa kanyang recruiter.
More Stories
SUV SA VIRAL VIDEO GUMAMIT NG PEKENG “7” PROTOCOL PLATE – TULFO
BAGYONG MARCE NAGBABANTA SA LUZON (Matapos ang hagupit nina Julian, Kristine at Leon)
PINOY PADDLERS DAPAT WALANG PUKNAT ANG PROGRAMA SA INTERNATONAL NA EKSENA – ESCOLLANTE