November 24, 2024

TEXT SCAMMERS, NAG-LEVEL UP NA!

NAGKAKAISA ang mga Senador na imbestigahan ang nag-level-up na pagpapadala ng mga scammer ng text messages sa cellphones ng mga subscriber ng mga telecommunications company.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Senador Jinggoy Estrada na biktima siya ng isang scammer na nanghingi ng pera para umano sa isang charitable event sa Mindanao.

Nakapagbigay umano si Estrada nang pera dahil ang tumawag sa kanya ay nagpakilalang board member ng isang probinsya doon.

Ipinagtataka lang ni Estrada kung papaano nakuha ng text scammer ang kanyang personal cellphone number.

Sa interpelasyon naman ni Senador Raffy Tulfo, sinabi nito na halos 15 taon na umano ang text scamming na kung saan nabibiktima ang ilang Congressman, Governors, Mayors o AFP at PNP officials na kanyang naiinterview sa programa.

Ayon kay Tulfo, humihingi daw ng load ang scammer sa mga naiinterview nya noon pero hindi naman talaga sya nanghihingi ng load.

“Ano sa palagay mo kung bakit maraming naloloko sa mga scam na ito? Ano ang pwede nating gawin para matigil na ang pagkuha ng mga scammer na ito ng pertinent information sa atin?”

Mungkahi ni Tulfo sa Senado na dapat gisahin ng husto ang mga operator ng telecommunications companies sa bansa.

“Singilin natin ang mga telcos bakit ang papanget na ng signal. In away parang mga scammer din ang mga telco, pag nag-drop call, sabihin natin sa telcos, marami ng nang-i-scam, pati kayo nang-scam,” ayon kay Tulfo

Maging si Senate Majority leader Migz Zubiri ay nanawagan sa telcos na pagbutihin at ayusin ang kanilang serbisyo lalo na sa Mindanao na madalas ay walang signal ng cellphone.

“We have to really engage the telcos for a better service…We have to look at this system,” ayon kay Zubiri.

Napadalhan din si Senadora Pia Cayetano nang text scam na nakalagay ang kanyang full name na ipinagtataka nya kung papaano nakuha ng scammers.

Para naman kay Senate Majority Leader Joel Villanueva, nakakapagod na rin ang pagbura o pag-block sa mga numero ng text scammers na nagpapadala nang kung ano anong unsolicited messages.

“Everyday nagka-kalyo na ang mga kamay natin, everyday nakakatanggap pa din tayo ng text scam na ito,” ayon naman kay Villanueva.

Nakatakdang imbestigahan sa darating na Huwebes ng Senate Committees on Public Services and Banks and Financial Institutions ang nasabing illegal na aktibidad at ipapatawag ang mga taga-Smart, Globe, PLDT at DITO para magpaliwanag sa ganitong smishing.

Kaugnay nito, isinusulong ng mga Senador na muling buhayin ang panukalang SIM card registration act sa gitna ng tumitinding problema sa text scam sa bansa.