December 19, 2024

Text scam at iba pang cybercrime tuloy! SIM REGISTRATION LAW PALPAK!

Halos isang buwan na matapos ang deadline ng pwersahang pagpaparehistro ng mga SIM Card pero kabi-kabila pa rin ang mga kaso ng text scam sa Pilipinas.

Noong nakaraang linggo, natuklasan ng mga pulis ang 24,000 SIM na pre-registered sa isang opisina ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Pasay City. Napag-alamang ginamit ang mga ito sa mga love scam, iligal na pagsusugal at scam sa cryptocurrency.

“(D)i talaga mawawala ang scams kahit may SIM registration,” pahayag ng Junk SIM Registration Network, isang alyansa ng mga grupong tagapagtanggol sa karapatang-tao, espesyalista sa IT, digital activist at mamamahayag. “Imbes na pigilan ng batas ang mga scam, lalo lamang itong dumami sa pamamagitan ng mga “pre-registered” na mga SIM Card, paglipat ng mga scammer ng base ng operasyon sa ibang bansa, paggamit ng mga “chat app” tulad ng Whatsapp, Viber at Telegram.”

Kamakailan, 80,000 rehistradong SIM Card ang nasamsam rin sa isang pang opisina ng POGO sa Las Pinas. Pinaghinalaang ginamit ang mga SIM na ito sa human trafficking at cryptocurrency scam. Nairehistro ang mga SIM Card gamit ang mga pekeng pangalan, ninakaw at ibinentang mga identidad. Patunay ito ng kapalpakan ng batas sa pagsawata ng mga scam sa kabila ng pwersahang pangungulekta nito ng samutsaring datos mula sa mamamayan tulad ng pangalan, tirahan at iba pang pribadong impormasyon.

Noong Hulyo, ibinalita ng pulis na nagkaroon ng 4,104 kaso ng mga krimeng isinagawa gamit ang SIM Card mula Enero hanggang Hunyo, mas mataas nang 190.03% kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.