May 29, 2025

TEVES, BALIK PILIPINAS! BALO NI DEGAMO NAGPASALAMAT KAY PBBM AT SA TIMOR-LESTE

BACOLOD CITY – Puno ng emosyon ang naging pahayag ni Pamplona, Negros Oriental Mayor Janice Degamo matapos tuluyang maibalik sa Pilipinas si dating Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr., na itinuturong utak sa brutal na Pamplona massacre kung saan napatay ang kanyang asawa na si Gov. Roel Degamo at siyam na iba pa noong Marso 2023.

Sa video na ibinahagi ni Mayor Degamo nitong Huwebes, Mayo 29, makikita ang pag-alis ni Teves mula Timor-Leste, isang araw matapos siyang arestuhin ng immigration authorities sa kanyang tinutuluyang bahay doon noong gabi ng Mayo 28.

“Today has been a truly emotional day for our family as we witness a powerful reminder that while justice may take time, it never forgets,” ani Mayor Degamo sa kanyang opisyal na pahayag sa social media.

Nagpasalamat siya kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at sa kanyang Gabinete para sa tuloy-tuloy na suporta sa paghahatid ng hustisya. Pinasalamatan din niya ang pamahalaan ng Timor-Leste sa aniya’y “katapangan at moralidad” sa pagpapalayas sa isang pugante.

“This is not just a legal issue, it is a moral one,” diin pa ng alkalde, sabay sabing ang presensya ni Teves sa Timor-Leste ay “banta sa kapayapaan at batas sa rehiyon.”

Ayon pa kay Mayor Degamo, dalawang taon nang umiiwas sa hustisya si Teves sa kabila ng mga kasong isinampa laban sa kanya. Kaya naman buong tapang siyang nagpahayag ng kagustuhang makita si Teves sa loob ng korte:

“Ito ay tagumpay hindi lang ng aming pamilya kundi ng bawat Pilipino na nananaginip ng mas ligtas at makatarungang bansa.”

Binigyang-pugay rin ng alkalde ang iba pang ahensyang nagpatuloy sa laban para sa katotohanan at hustisya, sa kabila ng mga banta at panggigipit.

“Know that your tireless work and courage brought us to this moment. You stood with us even when the road was long and even when threats loomed,” aniya.

Sa pagtatapos ng kanyang pahayag, binigyang-diin ni Mayor Degamo na hindi lamang ito tungkol sa pagkaka-aresto ng isang tao, kundi laban sa kulturang matagal nang nagpapalaganap ng impunidad sa bansa.

“No one is above the law. Evil will never triumph,” mariing saad ni Degamo.

“Today is the first day of a new Negros Oriental.”

Si Arnie Teves ay inaasahang sasailalim sa legal na proseso at paghahatol sa mga kasong may kinalaman sa karumaldumal na pamamaslang sa Negros Oriental.