January 22, 2025

TESDA training, certification para sa TVL teachers isinusulong ni Gatchalian

Isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang pagkakaroon ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) training at certification para sa mga guro ng technical-vocational livelihood (TVL) sa senior high school.

Ayon kay Gatchalian, ang training at certification ng mga guro ng TVL ay bahagi ng pag-angat ng kalidad ng TVL training at kahandaan ng mga senior high school graduates sa trabaho. Sa ilalim ng 2024 national budget, nakatanggap ang Department of Education (DepEd) ng P50 milyon para sa training at certification ng mga senior high school teachers sa ilalim ng TVL track.

Dagdag pa ni Gatchalian, makakatulong ang training at certification ng mga TVL teachers upang tiyaking akma sa mga pamantayan ng TESDA ang TVL track ng senior high school.

“Kasabay ng pag-angat natin sa kalidad ng pagsasanay para sa mga senior high school learners, pati na rin sa kanilang kahandaang magtrabaho, isinusulong din natin ang angkop na training at certification para sa mga TVL teachers ng DepEd. Kaya naman iminungkahi natin ang paglalaan ng pondo para mabigyan ang ating mga senior high school TVL teachers ng kaukulang pagsasanay mula sa TESDA,” ani Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.

Isinulong din ni Gatchalian na mapondohan sa ilalim ng 2024 national budget ang libreng assessment at certification ng mga mag-aaral ng senior high school sa TVL track.

Umaasa ang mambabatas na makatutulong ang certification ng senior high school learners sa ilalim ng TVL track na makakuha ng dekalidad na mga trabaho. Batay sa pagsusuri ng tanggapan ng senador, 50% ng mga senior high school graduates sa ilalim ng TVL track ang may trabahong  maituturing na elementary occupation kabilang ang mga tagalinis, domestic helpers, car at window washers, at street sweepers.