November 5, 2024

TESDA P160-M NTF-ELCAC FUND GINAMIT SA MGA DATING REBELDE

Dumepensa ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa inilabas na audit report ng Commission on Audit (COA) ukol sa umano’y kwestyonableng paglilipat ng ₱160-million pesos na pondo sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.

Ayon kay TESDA Director General Isidro Lapeña, ang inilipat na pondo ay para sa scholarship at livelihood projects sa mga dating rebelde na nagbalik-loob sa gobyerno.

Ginamit aniya ito para makapamuhay muli sila nang normal lalo’t TESDA ang namumuno sa Poverty Reduction, Livelihood and Employment Cluster at Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict.

Paliwanag ni Lapeña, ang mga dating rebelde na nakinabang sa oportunidad na alok ng TESDA ay nagmula sa isolated at mahihirap na komunidad sa malalayo o liblib na lugar.

Dagdag pa nito, naaayon sa batas ang paggasta ng scholarship funds at may umiiral na protocols para masigurong maayos ang disbursement.

Nagsumite na umano ang ahensya ng mga dokumento sa COA para suportahan ang paglalabas ng pondo.