September 16, 2024

TENTEN MENDOZA, NOMINADO SA BEST NEW MALE TV PERSONALITY NG PMPC STAR AWARDS

KAHIT may pandemic hanggang ngayon, lumelevel up talaga ang husay ni Mama TenTen Mendoza, kapag aktingan at hosting na ang pinag-uusapan. Hindi nga akalain ni Mama TenTen na pasok siya sa kategoryang New Male TV Personality ng PMPC Star Awards for Telebisyon, sa ‘Eat Bulaga’ ng GMA-7. Hindi raw siya makapaniwala na, mapapansin siya ng PMPC group.

Umaasa ba siyang mananalo? “Ayaw kong umasa, iyong mapili nila ako at mapabilang sa kategoryang Best New Male TV Personality ay grabe na iyon. Kahit na nominado lang ako, parang nanalo na rin ako. Tapos ang mga kalaban ko pa ang huhusay, naka-level ko sila gayung isa pa lamang akong baguhan. Taray ‘di ba? Kaya nga laking pasasalamat ko sa GMA-7, kasi nagtiwala sila sa aking kakayahan at hindi ko naman sila binigo.

“Kay Alden Richards din, kasi siya pa iyong nagtutulak sa akin para umarte at magpatawa sa ‘Eat Bulaga.’ Ang purpose ko lang naman talaga ay ang, tutukan si Alden at asikasuhin dahil iyon ang trabaho ko sa kanya bilang isang handler. Pero hindi siya madamot, talagang siya ang nagtulak sa akin para pasukin ang mundo ng showbiz na hindi naman ako nabigo. Sa PMPC, salamat sa tiwala dahil isa sila sa nakatulong din sa aking career sa showbiz.” Salaysay pa ni Mama TenTen Menbdoza.