November 1, 2024

Teenager arestado sa P239K droga at baril

ARESTADO si Kyle Dela Peña, 18, ng mga operatiba ng Navotas Police Station Intelligence Branch (SIB) sa pangunguna ni PLT Luis Rufo Jr. na nagsasagawa ng monitoring at surveillance operation sa Bagong Kalsada St. Brgy. Tangos South, Navotas City. Nakuha sa kanya ang higit sa P.2 milyon halaga ng hinihinalang shabu at marijuana at isang cal. 38 revolver na kargado ng dalawang bala (RIC ROLDAN)

SA kulungan ang bagsak ng isang 18-anyos na teenager matapos makuhanan ng higit P.2 milyon halaga ng illegal na droga at baril sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Navotas Police Chief Col. Rolando Balasabas ang naarestong suspek na si Kyle Dela Peña ng Bagong Kalsada St., Brgy. Tangos South.

Ayon kay Col. Balasabas, alas-9:30 ng gabi, nagsasagawa ng monitoring at surveillance operation ang mga operatiba ng Station Intillegence Branch (SIB) sa pangunguna ni PLT Luis Rufo Jr. kontra sa top 10 most wanted person ng Navotas Police sa Bagong Kalsada St. Brgy. Tangos South subalit, ang suspek ang kanilang naaresto.

Nakumpiska ng mga pulis sa suspek ang walong plastic sachets na naglalaman ng humigit-kumulang sa 35 gramo ng hinihinalang shabu na nasa P238,000.00 ang halaga, 16 plastic sachets na naglalaman ng 15 gramo ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na nasa P1,800 ang halaga at isang cal. 38 revolver na kargado ng dalawang bala at isang sling bag.

Kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Illegal Possession of firearms and ammunition ang isinampa ng pulisya kontra sa suspek sa Navotas City Prosecutors Office.