NAGPAPASAKLOLO kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga vendor sa Bagong Palengke ng Taytay, Rizal upang muling makapagtinda para matustusan ang mga pangangailangan ng kani-kanilang pamilya.
Ayon sa mga vendor, hindi makatarungan ang ginawang paniningil nang sobra-sobra makaraang palayasin umano sa kanila sa puwesto ng kanilang pinagtitindahan ng lokal na pamahalaan sa dahilang ipapaayos umano ang nasabing palengke.
Pero para makabalik sa nilisang puwesto, sinabihan umano sila “verbally” o walang kaukulang kasulatan na kailangan sila maybayad ng P250,000 hanggang P300,000 kung gusto nilang makapagtinda muli sa Building A, B, at C habang P100,000 naman sa talipapa.
Kung sa Building A, nasa P300,000 umano ang hinihinging bayad at karagdagang P100,000 bilang “goodwill fee”. Hindi pa umano nagbubukas ang Building A na bagong pagawa lamang.
Kung sa Building B, kailangan umanong magbayad ng P250,000 kapag nasa harap ang kukuning puwesto at P150K naman kung sa loob ang puwesto. Subalit wala naman umanong ipinagawa o binago sa Building B. Sa Building C kung saan may ipinagawa ay P300,000 din ang pinababayaran sa may-ari ng mga puwesto.
May discount naman umano na P50,000 kapag cash ang ibinayad. Puwede rin umanong gawing installment o hulugan ang pagbabayad sa loob ng isang taon.
Kaugnay nito, maging ang manininda sa talipapa ay umaangal din sa hindi tamang pagtratro sa kanila sa kabila ng pagpupumilit nilang mamuhay at maghanapbuhay ng marangal.
Nagtataka si Aling Cora Domingo, isa sa mga manininda sa talipapa ng nasabing palengke kung bakit pinalayas sila noong nakaraang linggo at ngayong ay pinagbabayad umano ng P100,000 para sa sinumang gustong magtinda.
Maging si Robert Aguilar na datihan nang may puwesto sa talipapa ay hindi pinayagang makapagtinda dahil wala siyang P100,000 na ipambabayad.
Aminado sina Domingo at Aguilar, sobrang baon na sila sa utang matapos malugi dahil sa COVID-19 pandemic.
Reklamo pa ng mga vendor, tinatakot pa umano sila na ibibigay na sa ibang tao ang kanilang mga puwesto kung hindi sila magbabayad.
Ipinagtataka din ng mga manininda kung bakit tila basura ang tingin sa kanila ng administrasyon.
Dahil dito sama-sama silang nanawagan kay Pangulong Marcos na tulungan sila sa kanilang problema.
Nais din nilang papanagutin ng pamahalaan ang mga taong umaabuso sa kanilang kapangyarihan at lumalabag sa mga karapatan nila bilang mga manininda.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA