June 16, 2025

Taxpayers nanawagan ng imbestigasyon sa umano’y P680-M anomalya sa rice procurement ng MILG-BARMM

COTABATO CITY — Nanawagan ang ilang taxpayers mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa Office of the President at Office of the Speaker—Bangsamoro Transition Authority (BTA) para imbestigahan ang umano’y iregular na P680-milyong kontrata para sa pagbili ng bigas na isinagawa ng Ministry of the Interior and Local Government (MILG) noong taong 2024.

Batay sa kopya ng reklamong ipinadala rin sa Senado at sa Commission on Audit (COA), iginiit ng mga nagpadala na nilabag umano ng MILG ang mga umiiral na batas sa pampublikong procurement, transparency standards, at mga patakaran sa wastong paggasta ng pondo.

Ayon sa mga complainant, na humiling ng hindi paglalantad ng kanilang pagkakakilanlan dahil sa pangamba sa kanilang seguridad, lahat ng mga kontrata sa pagbili ng bigas ay iginawad umano sa iisang supplier—ang JB Pharma & Trade Center, isang kompanyang rehistrado bilang pharmaceutical distributor.

Ikinabahala ng mga nagrereklamo ang kapasidad ng naturang kumpanya sa pagbibigay ng mga produktong agrikultural, gaya ng bigas, sa kabila ng presensiya ng mga kuwalipikadong bidder na nauna nang kinilalang Lowest Calculated and Responsive Bidders (LCRBs).

Sa isang partikular na transaksyon, tinatayang humigit-kumulang P15 milyon ang nawala sa pondo ng pamahalaan matapos na igawad ang kontrata sa JB Pharma sa halip na sa mas mababang bidder na isang lehitimong supplier ng agricultural products.

Bukod dito, binigyang-diin sa reklamo na paulit-ulit umanong dine-diskwalipika ang mga kwalipikadong bidder nang walang sapat na paliwanag, habang tuloy-tuloy naman ang pag-award ng mga kontrata sa isang kompanyang hindi pangunahing nakatutok sa produktong agrikultural.

Ayon sa dokumento, ang halaga ng bigas na binili ay nasa P60 pataas kada kilo, malayo sa karaniwang presyong P45 kada kilo sa merkado, na maaaring ituring na labis na paggasta alinsunod sa mga patnubay ng COA.

Binanggit rin sa reklamo na noong Hulyo 24, 2024, ay isinagawa umano ang isang emergency procurement ng bigas at hygiene kits gamit ang 2023 MILG-READI Fund na nagkakahalaga ng P100.325 milyon, kahit walang pormal na deklarasyon ng state of calamity. Ang transaksyon ay pinangasiwaan umano ng asawa ng kasalukuyang MILG Minister na si Sha Elijah Dumama-Alba, na si Salhiwardi Alba, at isinagawa sa parehong JB Pharma & Trade Center.

Giit ng mga nagreklamo, walang aktwal na delivery ng goods sa ilalim ng nasabing pondo, at ang liquidation ay batay lamang sa mga retratong paulit-ulit gamitin mula sa iba’t ibang anggulo upang magmukhang may aktwal na distribusyon.

Ipinunto rin ng mga taxpayers ang umano’y maling paggamit ng emergency procurement sa ilalim ng Republic Act No. 9184, kahit tapos na ang bisa ng anumang deklaradong emergency, gayundin ang sinadyang contract splitting upang maiwasan ang obligasyong sumailalim sa regular na bidding process.

Iginiit ng mga nagrereklamo na may malinaw umanong intensyon na iwasan ang mga itinatakda ng batas ukol sa procurement, at hiniling nila ang agarang aksyon mula sa mga kinauukulan upang masusing siyasatin at papanagutin ang mga posibleng responsable sa nasabing iregularidad.