September 19, 2024

TATTOO ARTIST UTAS SA PAMAMARIL SA NAVOTAS

Patay ang isang tattoo artist matapos barilin ng isa sa dalawang hindi kilalang mga suspek sa harap ng kanyang bahay sa Navotas City, kamakalawa ng hapon.

Kinilalaang biktima na si Ryusi Soriano alyas “Adjong”, 25 ng 19 Pat Buntan, Brgy. San Roque.

Patuloy naman ang follow up operation ng pulisya para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek habang inaalam pa ang motibo sa insidente.

Sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-4:15 ng hapon, nakatayo ang biktima sa harap ng kanilang bahay nang isa sa mga suspek na nakatayo sa harap niya ang naglabas ng baril at walang sabi-sabing binaril siya sa katawan na nagresulta ng kanyang kamatayan.

Matapos ang pamamaril, tumakas ang mga suspek patungong Judge A Roldan Street habang agad namang nagsagawa ng dragnet operation ang mga tauhan ng San Roque Police Sub Station 2 at SWAT team subalit, hindi nila naaresto ang mga salarin.