December 20, 2024

TATLONG GRUPONG PABOR SA MODERNISASYON NG JEEPNEY, DUMULOG SA KORTE SUPREMA

Photo: PNA

NAGHAIN ng pétition for intervention  sa Korte Suprema ang tatlong grupong pabor sa modernisasyon ng jeepney upang makasali sa gagawing paglutas ng Kataas-taasang Hukuman patúngkol sa petisyon ng mga grupong laban sa isinusulong na jeepney modernization program ng pamahalaan.

Kabilang sa mga naghain ng petition to intervene ay sina Roberto Ka Obet Martin  ng Pasang Masda, Boy Vargas ng Altodap at Liga ng Transportasyon at Operator sa Pilipinas President  Ka Lando Marquez.

Partikular na hiniling ng mga pétitioner sa Kataas-taasang Hukuman na tanggapin ang kanilang petisyon at ang mga kaakibat na dokumento na magpapatibay sa kanilang mga argumento.

Ayon sa grupo, nais nilang mabago ang sistema ng pampublikong sasakyan partikular ang jeepney dahil napag-iiwanan na ang Pilipinas.

Ayon kay Ka Obet Martin, 80 percent na ng kanilang mga kasapi sa buong bansa ay pumapabor sa jeepney modernization at pagsapi sa mga jeepney cooperatives.

Paliwanag pa ni Ka Obet, hindi dapat katigan ng Korte Suprema ang petisyon ng grupong PISTON at MANIBELA lalo na at matagal ng umuusad o noon pang June 17 2017 nagsimula ang naturang programa ng gobyerno.

Sa ilalim aniya ng modernization program, sasapi sa kooperatiba ang mga jeepney operators at ang kooperatiba na lamang ang magha-hire ng mga tsuper na tatanggap ng arawang suweldo at may kumpletong benepisyo gaya ng SSS, Philhealth at insurance.