November 24, 2024

TASK FORCE SAMPAGUITA, BINUO SA QC (Proteksyon sa kabataan)

Bumuo na ng “Task Force Sampaguita” ang Quezon City government laban sa mga puwersahang pagpapatrabaho sa mga menor de edad, partikular na ang batang nagtitinda ng sampaguita sa lansangan.

Partikular na nilikha ang City Inter-Agency Task Force for the Special Protection of Street Children and Child Laborers o “Task Force Sampaguita na pinamumunuan ni Mayor Joy Belmonte.

Binuo ang task force sa pamamagitan ng Executive Order No. 4 na resulta ng ikinasang pinagsanib na pagmamanman ng mga tauhan ng QC Public Employment Service Office at Social Services Development Department sa Tomas Morato Avenue nitong nakaraang Agosto.

Natuklasan sa nasabing surveillance ang malaking bilang ng mga batang naglalako ng bulaklak ng sampaguita sa kalsada.

Inaasahan naman ng alkalde na lalaki pa ang bilang ng mga batang sapilitang pinagtatrabaho ng kanilang magulang dahil na rin sa Christmas season.

“Task Force Sampaguita will craft a local action plan on how to address the problem based on the guidelines set forth under Republic Act 7610, the Act Providing for Stronger Deterrence and Special Protection Against Child Abuse, and Presidential Decree No. 1563 or the Anti-Mendicancy Law, and other related legislative measures,” banggit ng alkalde.

Nangako naman ang task force na magbabangkas sila ng polisiya para sa usapin.

“Dahil sa hirap ng buhay, napipilitan ang ilang kabataan na ilaan ang kanilang oras sa pagtatrabaho imbes na sa pag-aaral. Narito ang pamahalaang lungsod para alalayan at suportahan ang kanilang pamilya sa pamamagitan ng pagbibigay ng iba-ibang tulong at serbisyo,” ayon pa kay Belmonte.